TINIMBANG KA NGUNIT SOBRA

KAAGAPAY NATIN

(Obesity Awareness and Prevention Month)

ALAM ba ninyo na ang obesity o labis na katabaan ay itinuturing na isa nang sakit batay sa deklarasyon ng World Health Organization noong 1997?
Ang obesity o excess accumulation of body fat ay itinuturing na mabigat na pasanin o huge burden sa ­ating bansa hindi lamang dahil sa mataas na health care costs na kaakibat nito kundi pati na rin sa epekto nito sa productivity. Ayon pa sa isang pag-aaral, halos 8 percent ng health care spending ng Filipinas ay para sa obesity-related costs.
Sa buong mundo, mahigit isang bilyong katao ay overweight at halos 300 milyon dito ay obese. Tinatayang humigit-kumulang 115 milyong tao ang magkakaroon ng seryosong kondisyong medikal, kabilang na ang sakit na diabetes, heart diseases, stroke, sleep apnea, hypertension, labis na pananakit ng tuhod, back pains, kanser at marami pang iba ang sanhi ng labis na katabaan.
Dito sa ating bansa, hindi lamang populasyon ang lumolobo kung hindi pati katawan ng mga tao. Ang obesity ay may malaking impact sa ating bansa dahil sa malaking bilang ng mga taong obese – 18 milyong Filipino ay obese at overweight, ayon sa mga report.
Kung ang mga babaeng obese ay nawawalan ng hanggang 5 taon ng productivity, ang bilang na iyan ay lumolobo ng hanggang 12 years sa mga matatabang kalalakihan sa ating bansa. Dahil dito, gumagastos ang ekonomiya ng Filipinas ng hanggang isang bilyong dolyar bawat taon dahil sa mga sakit na dulot nito gaya ng coronary heart disease, stroke at diabetes.
Ang iba pang sakit na maaaring makuha kapag ang isang tao ay obese ay gall bladder problems; ilang klase ng kanser gaya ng breast, uterine at colon; psychological problems gaya ng depresyon; at shorter life expectancy.
Mayroong risks o panganib sa psychological at social well-being ng isang tao kapag siya ay labis na mataba. Maaaring magbigay ito sa kanya ng negative self-image, social isolation at discrimination.
Maaari ring magdulot ang obesity ng hirap sa pang-araw-araw na buhay dahil:
a. Ang normal na gawain ay mas magiging mahirap dahil mahirap kumilos;
b. Mas madaling mapagod at kinakapos ng pag­hinga;
c. Mas magiging masikip ang public transport seats tulad ng sa mga jeep, kotse, taxi o bus;
d. Mahirap ding panatilihin ang personal hygiene.
Pero may ilang treatment options naman upang mabawasan ang timbang. Ang pagda-diet, exercise at medication ay matagal nang itinuturing na conventional na paraan upang mabawasan ang timbang. Minsan ang mga ito ay epektibo sa short-term, ngunit para sa mga tao na morbidly obese, ang mga resultang ito ay panandalian lamang. Ito ay tinatawag na ‘yo-yo syndrome’ kung saan ang mga pasyente ay tuloy-tuloy na magdadagdag at magbabawas ng timbang na posibleng magkakaroon ng seryosong psychological and health consequences.
Maraming kadahilanan kung bakit ang isang tao ay obese. Kapag ang isa o parehong magulang ay obese, maaaring maging obese din ang anak dahil sabi ng isang endocrinologist, “obesity tends to run in families.”
Bagama’t may mga ulat na nagsasabing ang genetic factors ay nagko-contribute lamang ng 25 porsiyento para ang isang tao na maging napakataba, ang karaniwang dahilan na rin ay ang mga pagkain na pinipili nilang kainin. Kapag mas maraming calories ang pagkain, mas may tendency na maging obese ang isang tao.
Ang mga sakit na maaaring makuha dahil sa obesity ay binabayaran ng PhilHealth sa pamamagitan ng case rates kapag na-confine ang isang pasyente sa mga pribado man o pampublikong pasilidad.
• Diabetes na walang kumplikasyon – P4,000 sa hospital at P2,800 sa Primary Care Facility (PCF).
• Joint problems gaya ng arthritis – mula P4,900 hanggang P9,700
• High blood o hypertension – P9,000
• Heart diseases: angina pectoris – P12,000; heart bypass – P550,000
• Gall bladder problem gaya ng UTI – P7,500 sa hospital; P5,250 sa PCF
• Breathing difficulties gaya ng Asthma – P9,000 sa hospital; P6,300 sa PCF
• Breast cancer – P100,000
• Colon cancer – P150,000 (low risk); P300,000 (high risk)



Para sa inyong mga katanungan o kung may paksa kayong nais naming talakayin sa kolum na ito ay tumawag sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442, o magpadala ng sulatroniko sa [email protected]. Ang mapipiling paksa ay may munting alaala mula sa PhilHealth.

Comments are closed.