(Tiniyak kahit bawasan ang alokasyon mula Angat Dam) WALANG WATER INTERRUPTION

POSIBLENG bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa pamamagitan ng concessionaires nito na Maynilad at Manila Water simula sa Mayo 16 hanggang sa mapalitan ang tubig sa Angat Dam.

Sa pagtaya ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Usec. Carlos Primo David, head ng NWRB, pagsapit ng Mayo 20 o 21,  ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay aabot sa minimum operating level na 180 meters.

Ayon kay David, kailangang mahila ang water supply sa Angat dahil maaantala rin ang tag-ulan at maaaring mabawasan ang ulan sa transition mula El Nino patungong La Nina.

Subalit tiniyak ni David sa mga consumer na hindi magkakaroon ng water interruption kahit ang alokasyon ay 49 cubic meters per second.

Nakatakda aniyang maglabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng direktiba sa local government units na tiyakin na hindi mag-aaksaya ng tubig ang mga residente sa kanilang mga barangay.

Sinabi ni MWSS Spokesman Patrick Dizon na sakaling bawasan ang alokasyon sa 49 cms ay hindi magkakaroon ng water interruption dahil pumayag ang National Irrigation Administration (NIA) na magpahiram ng 2 cms sa alokasyon nito sa mga concessionaire.