(Tiniyak ng bagong PNP chief) WALANG BALASAHAN SA HANAY NG PULISYA

SA unang press conference ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil, tiniyak nito na hindi siya magpapatupad ng balasahan sa kanyang mga opisyal at tauhan.

Taliwas ito sa mga nakalipas na pagpapalit ng liderato sa PNP na nagkakaroon ng reshuffle o balasahan sa puwesto.

Katwiran ng ika-30 PNP chief, magiging unstable ang kanilang mga yunit kung magpapatupad siya ng malawakang balasahan.

Aniya, sa ngayon ay maayos naman ang performance ng kanilang mga commander at wala naman kasalanan ang mga ito kaya hindi silang kailangan ilipat ng puwesto.

Sakaling hindi kaya ng ibang commander na gawin ang kanilang trabaho ay saka lang sila papalitan ng mas mahusay na opisyal.

Kumpiyansa si Marbil na ang mga regional director at unit commander ay maging mabuting halimbawa at gagawin nang tama ang kanilang trabaho.

Samantala, hindi priyoridad ni Marbil ang paglaban sa droga bagaman hangad niya na mas paigtingin pa ang kanilang kampanya dito at iba pang uri ng krimen.

Nais ng PNP chief na makamit drug free Philippines na hindi kailangang magdeklara pa ng war on drugs para bigyang diin ang operasyon.

Hindi na rin ipag-uutos ni Marbil ang pagpapatupad ng quota system para hindi ma-pressure ang kanilang mga field commander.

Diin ng PNP chief, ang nais niya ay tapat at maayos na operasyon laban sa droga.
EUNICE CELARIO