(Tiniyak ng Comelec) PROTEKSIYON, IMMUNITY SA TESTIGO SA VOTE BUYING

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) ang “immunity” at proteksiyon sa mga indibidwal na tetestigo laban sa mga nasa likod ng “vote buying” at kahalintulad na election offenses na may kaugnayan sa Eleksyon 2022.

Sa isang pulong balitaan sa PICC, iniulat ni Commissioner Aimee Ferolino na ang Task Force Kontra Bigay na kanyang pinamumunuan ay nakatanggap na ng 930 na mga sumbong sa kanilang Facebook page; 164 sa email; at 73 ang mga reklamong idinulog sa Comelec Law Department mula noong Feb. 9.

53 sa mga sumbong ay naaksiyunan na ng Task Force, 12 ang “docketed” o naitala habang ang iba naman ang “under evaluation.” 1 kaso naman ng vote buying sa Cavite na may bigayan umano ng sample ballot na may pera, ang naaksiyunan ng Philippine National Police.

Pero aminado si Ferolino na may mga natatakot o hindi naman talaga pursigido sa reklamo.

Mayroon din aniyang naglabas lamang ng sama ng loob, habang mayroon wala nang “follow-up” sa reklamo.

Pero giit ni Ferolino, marapat na maging matapang ang mga may reklamo o may nalalaman, at tumindig para idepensa ang kanilang storya.

Higit sa lahat, sinabi ng commissioner na kailangan din ang mga testigo upang mahabol ang mga responsable hanggang sa maisampa at maituloy ang kaso. Jeff Gallos