SINIGURO ng Department of Agriculture (DA) na nananatiling sapat ang suplay ng bigas at pagkain sa bansa sa gitna ng panibagong paghagupit ng Bagyong Enteng sa sektor ng pagsasaka.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, walang dapat ikabahala dahil may sapat na suplay ng bigas mula sa lokal na produksiyon, gayundin sa imported rice.
Paliwanag ni De Mesa, pinaiigting ng kagawaran ang mitigation efforts nito para mabawasan ang epekto ng mga paparating pang kalamidad sa agri sector, lalo na sa inaasahang La Niña
Tuloy-tuloy rin, aniya, ang tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad, kabilang ang mga binhi at Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy.
Batay sa inisyal na assessment ng DA, mayroon nang P350-milyong halaga ng pinsala na natamo ang agri sector mula sa pananalasa ni ‘Enteng’.
Sa kanilang bulletin na ipinalabas noong Miyerkoles, sinabi ng DA na ang bagyo ay nakaapekto sa 13,623 magsasaka at mangingisda sa Bicol.
Ang volume ng production loss ay tinatayang nasa 14,814 metric tons mula sa 8,893 ektarya. PAULA ANTOLIN