TINIYAK kahapon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mas mataas na bayad-pinsala sa African swine fever (ASF)-affected hog raisers sa bansa sa gitna ng muling pagkabuhay ng mga kaso sa walong lugar sa Batangas.
“Sa ngayon, meron nga pala tayong bagong policy iyong indemnification. Iyong mga kakatayin na baboy, yung maliit PHP4,000 per biik. Iyong medium-sized, PHP8,000, iyong malalaki, PHP PHP12,000,” pahayag niya sa isang ambush interview.
Ang nasabing halaga ay mas mataas sa dating P5,000 halaga ng bayad-pinsala para sa bawat kinatay na ASF-infected hog.
Ayon kay Laurel, ang hakbang na taasan ang bayad-pinsala ay naglalayong mahikayat ang mga hog raiser na katayin o isuko ang infected swine, at maiwasan ang pagkalat ng virus.
Para sa pagpapatupad nito, sinabi ng kalihim na plano ng Department of Agriculture (DA) na gamitin ang P150 million mula sa quick response fund (QRF) ng DA.
“Kulang talaga iyong pondo para sa indemnification. Kaya if there’s a way na madagdagan ito for 2025, napaka-importante,” pahayag niya, patungkol sa budget allocation sa hinaharap para sa indemnification sa budget hearing ng DA para sa fiscal year 2025.
Bukod sa tinaasang bayad-pinsala, tinukoy rin ni Laurel ang upgraded distribution ng mga inahing baboy sa halip na mga biik sa pamamagitan ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) repopulation program nito.
Samantala, binigyang-diin ni Laurel na hindi na kailangang magpatupad ng nationwide state of calamity o emergency kung isasaalang-alang ang “localized outbreak” sa Calatagan, Lian, Lipa City, Lobo, Rosario, San Juan, Talisay, at Tuy.
“No need, it’s localized. It is spreading a bit but not as fast and mas aware na kasi ang mga tao ngayon kasi nangyari na dati,” aniya, tinukoy ang mas mahigpit na biosecurity measures.
Nauna rito, sinabi ng DA na nakipag-ugnayan na ito sa Philippine National Police (PNP) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pinaigting na checkpoint operations sa Batangas, namahagi ng industrial lime para maiwasan ang pagkalat pa ng virus, at patuloy na nagsasagawa ang ahensiya ng mass testing.
Ipinag-utos din ni Laurel ang emergency procurement ng 10,000 doses ng ASF AVAC live vaccines para agad ipamahagi sa Batangas.
“Sana next week, next Friday, mailabas na namin,” aniya. ULAT MULA SA PNA