TINIYAK ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang sapat na suplay ng pagkain sa kabila ng epekto ng magkakasunod na bagyo sa bansa.
“Basta tungkol sa pagkain, sa rami ng pagkain, siguradong may pagkain sa merkado, sa shelves, nothing to worry about. I think all the industries are playing their role to provide food for everybody,” pahayag ni Tiu sa isang ambush interview.
Ayon kay Tiu Laurel, ang kakulangan sa ilang commodities ay pansamantala lamang dahil sa mga hamon sa logistics.
“Palagi lang talagang may problema sa bagyo, there might be shortages from time-to-time kung anong tinamaan ng bagyo. It’s a logistics matter, but we have stocks,” aniya.
Ang pahayag ay ginawa ni Tiu Laurel matapos iulat ng DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ang 51,728 metric tons na volume loss sa agrikultura na nagkakahalaga ng P2.26 billion noong Sept. 9.
Karamihan sa pinsala ay naitala sa rice production, na nasa P1.11 billion, sumunod ang irrigation facilities na nagkakahalaga ng P1.08 billion, corn production losses na nagkakahalaga ng P42.66 million, high-value crops sa P26.66 million, cassava sa P1.98 million, at livestock and poultry sa P16,000.
Hindi pa naglalabas ang DA ng agricultural damage report hinggil sa Tropical Storm Ferdie at Tropical Depression Gener.
Nauna rito, iniulat ng ahensiya ang P23 billion na halaga ng agricultural damage dulot ng pinagsama-samang epekto ng El Niño phenomenon, shearline, northeast monsoon, trough ng low-pressure area, Typhoon Aghon, Super Typhoon Carina, at ng Habagat.
Samantala, ibinida ng DA chief ang tumaas na national rice buffer stock ng bansa sa ilalim ng National Food Authority (NFA).
“In fact, sa rice nga natin, in nine years, this is the first time na mayroon tayong, this is almost 2 million bags na. And hopefully, by the end of the year, we will hit stocks of about 3 million bags,”sabi ni Tiu Laurel.
Aniya, malaki ang itinaas nito mula sa stock-on-hand noong December 2023 na maaari lamang tumagal ng isa o dalawang araw. ULAT MULA SA PNA