(Tiniyak ng DA sa holiday season) SUPPLY NG BABOY SA METRO SAPAT

baboy

MAY sapat na supply ng baboy sa Metro Manila para sa nalalapit na Kapaskuhan, ayon sa Department of Agriculture ( DA).

Sinabi ng DA na nangako ang mga hog raiser sa Zamboanga Peninsula na magkakaloob ng 1,500 live hogs kada buwan sa Metro Manila.

Ang pangangailangan para sa karne ng baboy ay inaasahang tataas sa darating na Christmas holiday season.

Nauna na ring tiniyak ng dalawang malalaking poultry producers sa bansa ang sapat na supply ng manok sa nalalapit na Kapaskuhan.

Sa isang statement, sinabi ni Vitarich Corporation spokesperson Karen Jimeno na nakahanda sila sa Christmas rush at sa muling pagbubukas ng ekonomiya sa gitna ng pinaluwag na quarantine restrictions.

“Our industry is one of the few that provide both livelihood and fresh nutritious food for the Filipino people,” sabi ni Jimeno.

Aniya, sinisikap ng poultry industry na mapanatiling matatag ang presyo ng manok sa kabila ng mga hamon na dulot ng oil price hike at ng kakulangan sa supply ng mais.

Sinusugan ni Corgill Philippines corporate affairs director Cris Ilagan ang pahayag ni Jimeno, at sinabing may sapat na supply ng manok para sa holiday season base sa market reading ng kompanya. Ang Cargill Philippines ang chicken supplier ng Jollibee Foods Corporation.