(Tiniyak ng DA) SUPLAY NG BABOY, ITLOG SAPAT SA CHRISTMAS SEASON

BABOY-MANOK

MAY sapat na suplay ng baboy at itlog sa bansa sa Christmas season, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ito’y dahil na rin sa bumuting local production at nakatakdang pag-angkat ng karne.

Sa isang news forum sa Quezon City, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na nagpapatuloy ang pork importations, lalo na sa fourth quarter, base sa iskedyul na inilatag ng Bureau of Animal Industry (BPI) noong nakaraang buwan. “Iyong nabanggit ko dati na, iyon nga na inayos ko ngayon… iyong import naman ay tuloy-tuloy iyan dahil parating ngayong fourth quarter – ito iyong naproseso noong mga nakaraang buwan pa ng Bureau of Animal Industry,” sabi ni De Mesa.

“May mga pumapasok naman regularly ng importation. Iyong ASF [African Swine Fever] naman ay nandito na sa atin, nagsimula ito noong August 2019 sa Rodriguez, Rizal, noong Regional Director pa ako at marami nang lugar na tinamaan ng ASF iyong napa-graduate na natin from infected zone o red zone into pink zone, iyong buffer zone natin hanggang yellow zone,” sabi pa ni De Mesa.

Para malabanan ang epekto ng ASF, sinabi ni De Mesa na ipinatutupad ng DA ang “BABay ASF” program, bukod pa sa pest control, prevention, biosecurity at repopulation initiative ng ahensiya.

Wala ring nakikitang problema si De Mesa sa suplay ng itlog sa Christmas season.

“Pero dahil stable iyong ating supply pati iyong production natin ng day-old pullets na magiging layers pagdating ng panahon ay maganda iyong population so wala tayong nakikitang problema,” ani De Mesa.

“At iyong Avian Influenza na nakaapekto sa Central Luzon, bagama’t may ilan naapektohan ay unti-unti na rin ang nakaka-recover.”