TINIYAK NG DA: SUPLAY NG BIGAS, GULAY, KARNE SAPAT

BIGAS-GULAY-KARNE

SINIGURO ni Agriculture Secretary William Dar na may sapat na suplay ng bigas ang buong Luzon,  partikular ang National Capital Region (NCR).

Kasunod na rin ito ng ulat ni National Food Authority (NFA) Administrator Judy Carol Dansal na naipakalat na sa Metro Manila ang mga sako ng bigas.

Ayon sa NFA, umaabot sa 400,000 sako ng bigas o 20,000 metric tons ang nasa kanilang mga warehouse na nakakalat sa Metro Manila.

Bukod pa rito, may inaasahan pang karagdagang  suplay ng bigas mula sa ilang probinsiya kung kaya wala aniyang dapat ikabahala sa suplay  ng bigas.

Sa datos ng NFA, kumokonsumo  ang Metro Manila ng average na 110,000  bags ng bigas kada araw.

Inaasahan naman ng NFA chief na kapag nagsimulang bumili sa kanila ang mga local government unit ng mga bigas ay magkakaroon ng 20 porsiyentong increase ng NFA market share para punan ang kanilang mga kinakailangan na bigas mula sa government-owned warehouses dulot ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

“We are prioritizing local government units for the sale of NFA rice,” sabi ni Dansal.

Idinagdag pa niya na maaaring makipag-ugnayan ang mga LGU sa mga NFA warehouse servicing sa kanilang mga lugar.

“For Camanava, they can go to North District Office, while Quezon City and Manila can buy from our central district office. Meanwhile those from Marikina and Rizal can coordinate with the East district office and South district office for Taguig, Pasay, Makati, Paranaque, and Pateros,” pahayag pa ni Dansal. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.