NANANATILING matatag ang suplay ng mga gulay, isda, at iba pang agricultural commodities, kabilang ang bigas, matapos ang pananalasa ni super typhoon Carina at ng Habagat, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ito’y makaraang umakyat ang agricultural damage sa P1.21 billion para sa 22,088 metric tons (MT) na volume loss, na nakaapekto sa 46,625 magsasaka at mangingisda, ayon sa DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center bulletin no. 14.
Sa isang panayam ay pinawi ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa ang mga pangamba sa posibleng pagtaas sa presyo ng highland at lowland vegetables.
“We are happy na hindi masyadong naapektuhan iyong Calabarzon. Kasi Calabarzon, iyan iyong malapit sa Metro Manila na source ng gulay natin, lalo na pakbet,” aniya.
Para sa high-value crops, iniulat ng DA-DRRM ang 2,044 MT volume loss na nagkakahalaga ng P88.81 million. Ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng mga bahagi ng Cordilleras at Mimaropa.
“Iyong part ng Banahaw doon sa ating upland vegetables, we are not much worried. May kaunting pagtaas siguro but hindi masyado,” dagdag pa ni De Mesa,
Tiniyak din ni De Mesa ang “minimal” price adjustments sa fish products sa kabila ng epekto ng masamang panahon at ng banta ng oil spill sa ilang katubigan.
“Iyong presyo siguro mag-a-adjust ng very minimal pero we are not expecting ng malaking pagbabago sa mga presyo,” sabi pa niya.
“Ang closed fishing season pa natin ay November so makaka-recover pa rin naman.”
Ayon kay De Mesa, ang fisheries sector ay nagtamo ng P360.80 million na halaga ng pinsala na nakaapekto sa 3,334 mangingisda, karamihan ay sa Pampanga at Bulacan.
Para sa bigas, iginiit ng DA na walang dahilan para sa retail price hike sa harap ng matatag na suplay kapwa mula sa dry season harvest at rice imports.
Hanggang July 20, iniulat ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang pagdating ng 56,000 MT ng bigas sa ilalim ng mas mababang taripa na 15 percent.
Samantala, tiniyak ng DA ang kagyat na tulong sa apektadong rice farmers.
“On the production side, ang utos ni Secretary (Francisco Tiu Laurel Jr.) upon the instruction of the President (Ferdinand R. Marcos Jr.) na iyong mga areas especially Region III, Pampanga, Tarlac, Bulacan na naapektuhan ay mabigyan agad ng binhi for quick turnaround,” sabi ni De Mesa, tinukoy ang recovery para sa wet season harvest mula October hanggang November.
Sa kasalukuyan, ang pinsala na natamo ng rice sector ay umabot na sa P635.17 million, o 10,639 MT na volume.
ULAT MULA SA PNA