HINDI nahaharap sa food crisis ang bansa sa kabila ng pagpapatawag ng Malakanyang ng food security summit, ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Noel Reyes.
“Wala tayong krisis sa pagkain. Ang pinupunuan natin ay sa pork. Talagang may kakulangan tayo sa baboy dahil sa ASF,” sabi ni Reyes.
“Ang ginagawa ng DA, ‘yung surplus areas, titingnan ang surplus at ipadadala sa Metro Manila na talagang may kakulangan. Tinamaan kasi ng ASF ang Central Luzon na major supplier ng baboy,” aniya.
Nauna rito ay sinabi ng Independent think tank Ibon Foundation na nasa gitna ng food security crisis ang Filipinas, at tinukoy ang pagbaba sa hog at chicken production noong Enero.
“We’re in crisis right now. We’re paying the price. We’re so vulnerable. We’re paying the price by accumulation of error such that as a small thing like one ASF problem, we can’t even handle that,” sabi ng Ibon.
Pumalo ang presyo ng baboy sa mga wet market sa Metro Manila sa hanggang P420 per kilo para sa liempo, at P400 per kilo para sa pigue at kasim noong nakaraang buwan dahil sa kakulangan sa suplay dulot ng ASF.
Para matugunan ang isyu ay nagtakda si Pangulong Rodrigo Duterte ng price cap sa Metro Manila sa loob ng 60 araw simula noong Pebrero 8 alinsunod sa rekomendasyon ng DA.
Ang price ceiling ay P300 per kilo para sa liempo, P270 per kilo para sa kasim at pigue, at P160 per kilo para sa dressed chicken.
Comments are closed.