(Tiniyak ng DMW) SUPORTA SA 220 OFWs SA UAE NA BINIGYAN NG PARDON

NANGAKO ang Department of Migrant Workers (DMW) na ibabalik sa bansa ang 220 overseas Filipino workers (OFWs) na binigyan ng pardon kamakailan ng United Arab Emirates (UAE).

Sa isang statement, nangako rin ang DMW na muli silang isasama sa Philippine society sa pamamagitan ng whole-of-government approach sa ilalim ng Bagong Pilipinas initiative.

Sinabi ng DMW na minamadali na ng Migrant Workers Office (MWO) nito sa UAE, sa tulong ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi, ang kinakailangang documentation at logistical arrangements para sa pagpapauwi sa mga pinatawad na OFWs.

Nagpasalamat ang ahensiya sa UAE government sa pagkakaloob ng pardon, na inanunsiyo noong Dec. 26, 2024, sa pagdiriwang ng 53rd National Day ng Gulf State.

Ang mga pinatawad na OFW ay nakulong dahil sa iba’t ibang kasalanan.

“This very welcome gesture highlights the strong and enduring relationship between the Philippines and the UAE, a bond that was further reinforced in the recent meeting between His Excellency President Ferdinand R. Marcos, Jr. and His Highness Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan in November 2024,” ayon sa statement ng DMW.

Noong Hunyo ng nakaraang taon, may kabuuang 143 Pinoy na nakakulong sa UAE ang binigyan din ng pardon sa pagdiriwang ng Eid al-Adha.