NAKAPASOK na ang fuel tankers na may dalang gasolina, diesel, at liquefied petroleum gas (LPG) sa Bicol Region matapos ang pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine, ayon sa Task Force on Energy Resiliency (TFER) ng Department of Energy (DOE).
Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni DOE Undersecretary at TFER Chairperson Felix William Fuentebella na may kabuuang 42 tankers na may lulang tinatayang 1 million liters ng gasolina at diesel at 19 tankers ng LPG na may dalang 22,000 11-kilogram cylinders ang nakarating na sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon, kabilang ang Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon, at Masbate hanggang Martes ng umaga.
Aniya, ang liquid petroleum products ay sapat para sa 25,000 units ng ambulansiya, habang ang 22,000 cylinders ng LPG ay maaaring makapagsuplay sa 22,000 kabahayan na tatagal ng hanggang tatlong linggo.
“We assure the Bicolanos that the Department of Energy and the oil companies of our strategic action in addressing their needs in the region. We are working tirelessly to expedite the replenishment process and ensure that fuel tankers can deliver additional supplies without delay to keep communities and emergency response operations running smoothly,” sabi ni Fuentebella.
Aniya, ang mga kompanya ng langis tulad ng Petron, Shell, Chevron, Total, Phoenix, Unioil, Jetti, Seaoil, at Isla ay tumulong sa pamahalaan sa “Fuel Caravan” operations nito.
Dagdag pa ni Fuentebella, nakipag-ugnayan na ang ahensiya sa mga kompanya ng langis para sa agad na paglalagay ulit ng nalalabing 56 pump stations na kasalukuyang non-operational kasunod ng pananalasa ni “Kristine.”
Ipinaabot din niya ang pasasalamat ng DOE sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pag-aasikaso sa logistics ng nasabing essential products.
“We are deeply grateful to the OCD (Office of Civil Defense) for establishing the Humanitarian Assistance and Disaster Relief lane, which has been crucial for our Fuel Caravan operations. This designated route, secured by the PNP-HPG, has enabled the delivery of replenishment supplies to the hardest-hit areas. Their initiative is a vital part of our collective effort to ensure that essential resources reach the communities in need,” aniya.
Limang teams mula sa Oil Industry Management Bureau ng DOE ang idineploy rin sa Bicol upang matiyak na may sapat na fuel supply sa rehiyon at walang overpricing ng mga produktong petrolyo.
Inatasan din ng DOE ang energy stakeholders na maglatag ng preemptive measures bilang paghahanda sa bagyong Leon. ULAT MULA SA PNA