(Tiniyak ng DOE)SUPLAY NG KORYENTE SAPAT

TINIYAK ng Department of Energy (DOE)sa publiko na hindi magkakaroon ng “red alert” warning sa power supply ng bansa para sa buong taon.

Ayon kay Energy Undersecretary Rowena Guevara, tanging “yellow alerts” ang inaasahang itataas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang red alert ay itinataas kapag hindi sapat ang power supply, na maaaring magresulta sa brownouts. Samantala, ang yellow alert ay nangangahulugan ng manipis na power reserves na maaaring hindi magresulta sa rotational brownouts.

Sinabi ni Guevara na inaasahan nilang aabot ang power demand sa 13,125 megawatts ngayong taon sa Luzon pa lamang.

Ayon pa kay Guevara, dahil sa tinatawag na scheduled outage o shutdown ng mga power plant ay posibleng magkaroon ng 15 yellow alerts ngayong taon sa Luzon subalit walang red alert.

“Posibleng bumaba pa itong number na 15 yellow alerts dahil posibleng magkaroon na tayo ng koryente mula Visayas na around 250 megawatts. At posibleng papaandar na iyong liquified natural gas terminal sa Batangas na magkakaroon na tayo ng dagdag na 1,200 megawatts,” dagdag pa niya.

Sa Visayas ay hindi, aniya, magkakaroon ng yellow o red alerts tuwing araw kahit na nangangailangan ito ng hanggang 2,690 megawatts ng power supply.

Gayunman, sa gabi ay maaaring magkaroon ang Visayas ng hanggang limang yellow alerts.

Sa Mindanao, ang peak demand ay maaaring umabot sa 2,395 megawatts, subalit walang yellow o red alert na itataas kahit sa summer.

Dagdag pa ng opisyal, may mga backups na rin na inihanda sakaling makaranas ang mga power plant ng forced o unscheduled outage.