(Tiniyak ng DOLE) AYUDA SA DRIVERS, OPERATORS NA APEKTADO NG PUVMP

HANDA ang Department of Labor and Employment (DOLE)  na tulungan ang mga jeepney driver at operator na apektado ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa pamamagitan ng programang pangkabuhayan nito na “enTSUPERneur”.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, bawat apektadong transport worker ay bibigyan ng pinakamababang halaga na P30,000 in-kind livelihood assistance sa pamamagitan ng nationwide alternative livelihood program.

Sinabi ni  Laguesma na may listahan ang DOLE ng mga proyektong pangkabuhayan na maaaring pagpilian ng mga benepisyaryo, kabilang ang rice retailing, variety store at food stall establishment, animal raising, agricultural input provision, tailoring, at iba pa.

“More than 4,500 na pong transport workers ang nabigyang-ayuda, at iyon pong naibigay sa kanila ay umaabot na rin sa humigit-kumulang P123 million,” pahayag ng kalihim

“Itong taon na ito, mayroon pong naka-lineup na 1,500 transport workers na nagnanais ding makakuha, na habang nagnanais silang sana tuloy-tuloy ang kanilang talagang pangunahing hanapbuhay, ay matulungan natin, magabayan natin na mayroon silang alternatibong pagkakakitaan,” dagdag pa niya.

Aniya, ang livelihood package ay naglalaman din ng mga materyales, inputs, at market linkages upang matulungan ang mga benepisyaryo.

Ang programang pangkabuhayan na “enTSUPERneur” ay pinagsamang inisyatiba ng DOLE, Department of Transportation, Office of Transportation Cooperatives, at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Nang tanungin kung sapat ang programa para tulungan ang tinatayang 30,000 jeepney drivers at operators na hindi nakasali sa modernization program, sinabi ng kalihim na nagtutulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan para mapondohan ang nasabing programa.

“Mayroon din nga pong direktiba ang ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mag-converge ang mga departamento na mayroong resources na puwedeng pagsama-samahin at matulungan po ‘yung mga apektadong manggagawa,” pahayag niya.

Samantala, nagbibigay naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng skills development training sa mga jeepney worker, lalo na sa mga apektado ng modernization program, sa pamamagitan ng programa nitong “Tsuper Iskolar” simula pa noong 2019.

Nagbibigay ang programa ng libreng technical vocational skills training, assessment, at certification sa mga displaced driver, operator, at miyembro ng kanilang pamilya, na may training allowance na P350 kada araw na hindi hihigit sa 35 araw.

LIZA SORIANO