(Tiniyak ng DOLE) AYUDA SA MANILA BAY RECLAMATION WORKERS

DOLE

NAKAHANDA ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mga apektadong manggagawa ng sinuspindeng Manila Bay reclamation activities.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, wala pang natatanggap na report ang ahensiya sa bilang ng mga apektadong manggagawa dahil sa suspension order, na naglalayong repasuhin ang epekto sa kapaligiran ng proyekto.

“In any case kung mayroon, we prepared to assist them kung sila ay na-displace,” sabi ni Laguesma.

“Basta meron naapektuhan or napipinsala na mga manggagawa, eh nakahanda kami tumulong,” dagdag pa niya.
Ayon sa Department of the Environment and Natural Resources (DENR), ang lahat ng 22 reclamation projects sa Manila Bay ay suspendido.

Sinabi ni Laguesma na iba’t ibang klaseng tulong ang maaaring ipagkaloob sa reclamation workers, tulad ng job facilitation at contract arrangement sa pribadong sektor.

Aniya, ang DOLE ay may online job portal kung saan maaaring maghanap ng employment opportunities ang mga manggagawa.