TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) sa riding public na hindi magpapataw ng terminal fee o dagdag pamasahe sa pinasinayaang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Sinabi ni DOTr Undersecretary Mark De Leon na walang i-impose na terminal fee para sa mga pasahero at hahayaan na lamang ang concessionaire na gumawa ng mga lugar na maaring upahan at itayo sa itinuturing na unang landport.
Sa ganitong paraan umano kikita ang concessionaire upang hindi na singilin ng terminal fee ang mga mananakay.
Magiging operational na ngayong linggo ang PITX matapos itong pasinayaan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaasahang makatutulong ang PITX sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila dahil dito na titigil ang mga bus galing sa mga lalawigan bago lumipat naman ng ibang masasakyan ang mga pasahero.
Kokonekta ang PITX sa LRT-1 Extension sa Bacoor, Cavite.
Bago ang inagurasyon ay nilibot muna ng Pangulo ang pasilidad ng PITX gaya ng ticketing counter at boarding area.
Ang PITX ay proyekto ng Department of Transportation at ng MWM Terminals, Inc. na magsisilbing transfer point ng mga provincial buses mula Cavite, Batangas at in-city modes of transportation.
Ayon sa DOTr, dinisenyo ang PITX para maka-accomodate ng 200,000 mga pasahero ng bus, jeepney, UV Express at taxi sa araw-araw.
Ipinagmamalaki ang first landport dahil sa mas maayos na schedule ng mga biyahe, may loading at unloading areas, may escalators at elevators, automated fare collection, at may online ticketing system.
Mayroon ding 24 hours CCTV cameras sa terminal para sa seguridad ng mga biyahero.
Sinabi pa ni De Leon na mas makatitipid ang bus companies sa paggamit ng nasabing landport dahil makaiiwas na sila sa pangongotong ng mga corrupt na mga traffic enforcer, mataas na bayad sa mga terminal na umaabot sa P500 hanggang P800 kada biyahe.
Habang sa nasabing bagong terminal ay mahigit P100 lamang ang bayad ng bawat bus kada biyahe na hindi kailangan ipasa sa mga mananakay.
Nabatid na hindi kaaagad magiging operational ang nasabing terminal dahil kailangan pang maayos ang ilang traffic concerns sa Cavite Expressway management, kasabay ng massive public information campaigns.
Samantala, impress at proud umano ang Pangulong Duterte sa bagong transport terminal.
Sa kanyang talumpati ay kinumpirma ng Pangulo ang naging pahayag ni Sec. Tugade na walang korupsiyon at walang kumita na mga opisyal ng pamahalaan sa nasabing proyekto.
Binanggit din ng Pangulo na hindi niya naging contributor sa nakaraang halalan ang Megawide group.
VERLIN RUIZ
Comments are closed.