(Tiniyak ng DOTr)SUPLAY NG BEEP CARDS SAPAT

DOTr-BEEP CARD

SINABI kahapon ng Department of Transportation (DOTr) na kumikilos na ang kanilang private card provider para matiyak ang sapat na suplay ng beep cards kahit hanggang sa first quarter ng 2023, kung saan 150,000 ang inaasahang malapit nang maprodyus.

“The announcement of shortage has just been made second quarter of this year and we have been controlling the cards that we have in our possession. So as of date, there would be 150,000 beep cards that would be available across all stations covered by LRT-1, LRT-2, and MRT-3,” pahayag ni Randolph Ian Clet, project manager ng automated fare collection system ng DOTr, sa CNN Philippines’ New Day.

Sa harap ng demand mula sa mga customer nito, sinabi ng operator AF Payments Inc. (AFPI) noong Nov. 28 na maaari nang mabili ang beep cards sa mga online stores subalit sa mas mataas na presyo.

Ito’y kasunod ng babala ng DOTr noong Agosto sa napipintong shortage sa beep cards na ginagamit ng rail commuters, dahil sa global chip supply chain issues na nakapipigil sa produksiyon.

Inamin ni Clet na may delay pa rin sa delivery ng suplay ngunit kinukumpleto ng AFPI ang kanilang delivery base sa demand forecast na ipinagkaloob ng PTOs o public transport operators.

Aniya, ang train stations ay may sapat na suplay ng beep cards na tatagal hanggang sa first quarter ng susunod na taon.

“We are just monitoring how these cards are being distributed just to make sure that there would be ample cards enough to cover the demand until first quarter of next year,” anang DOTr official.

Dagdag pa niya, may walong milyong beep cards ang nasa sirkulasyon ngayon, 60% nito ay ginagamit sa rail stations.