TINIYAK ni Trade Secretary Ramon M. Lopez sa publiko na hindi magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng harina at tinapay, lalo na sa pagdating ng holiday season matapos na magbigay ng kanilang commitment ang flour and bread associations sa ahensiya sa magkahiwalay na pagpupulong kamakailan.
Ayon kay Lopez, ang presyo ng Pinoy Tasty ay mananatili sa P35.00 bawat 450-gram loaf, Pinoy Pandesal sa P21.50 bawat 250-gram pack, at Harinang Pinoy sa P670 – 680 kada sako.
Ang presyo ng mga produktong ito ay patuloy na bumababa sa pagdaan ng taon. Noong Oktubre 2011, ang presyo ng Pinoy Tasty ay P38.50 at Pinoy Pandesal, P25.00. Samantala, nagsimula ang Harinang Pinoy noong 2012 sa unang presyo na P750 kada sako.
“Our mandate is to make sure that manufactured products are kept at reasonable prices. We assure the public that they will always have affordable options for staple items like bread and flour,” saad ni Secretary Lopez.
Ang Pinoy Tasty, Pinoy Pandesal, at Harinang Pinoy ay inisyatibo ng DTI para mabigyan ng abot-kayang opsiyon para sa mga Filipino. Ang PhilBaking members—kasama ang Gardenia, French Baker, Uncle George, Tiffany, at Marby—ay nag-produce ng generic bread para maibenta ito sa parehong presyo. Ang Harinang Pinoy ay proyekto ng Philippine Association of Flour Millers (PAMFIL).
“The prices of Pinoy Tasty, Pinoy Pandesal, and Harinang Pinoy are even decreasing. I urge the consumers to always choose quality, yet more affordable options when buying products,” sabi ni Secretary Lopez.
Sinabi ng PAMFIL na ngayon ay may 21 flour millers sa bansa at ang total imports ay katumbas ng isang halaga ng harina ng isang miller. Sabi nila na ang kompetisyon ang dahilan kung bakit mababa ang kanilang presyo at sila ay may pangako na panatilihin ang presyo ng Harinang Pinoy sa Php670-680 kada sako.
Gayundin, ang garantiya ng Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) na pananatilihin nila ang presyo ng Pinoy Tasty sa Php35.00, tulad ng nagdaang tatlong taon. Dahil sa mas mababang opsiyon na ito, pinili ng mga kompanya ng tinapay na huwag nang magtaas agad ng presyo ng kanilang brand ng tinapay para mapanatili ang bahagi nila sa merkado.
Kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na taasan ang supply ng pangunahing bilihin tulad ng tinapay at asukal para babaan ang presyo, nangako rin ang DTI na tulungan ang mga gumagawa ng tinapay sa kanilang pangangailangan. Kasama rito ang direktang pag-angkat ng asukal sa target nitong halaga na Php1,800– Php1,900 kada sako.
Comments are closed.