KASUNOD ng panibagong napaulat na harassment ng Chinese Coast Guard sa supply vessels ng Philippine Navy, iginiit ng Malakanyang na hindi ilalaglag ang sovereign rights ng Pilipinas.
Ayon kay Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles, hindi bibitiwan ng bansa ang hurisdiskyon sa Ayungin Shoal.
Natanggap na ng Palasyo ang ulat mula sa AFP – Western Command hinggil sa insidente ng panghaharang at pambobomba ng tubig ng tatlong Chinese Coast Guard vessels sa dalawang supply ships.
“As we have in the past, we will continue to assert our sovereignty, sovereign rights and jurisdiction over our territory,” pahayag pa ni Nograles.
Mabilis namang gumawa ng hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat sa Chinese Foreign Ministry sa Beijing, gayundin sa Chinese Embassy, para maipaabot ang pagkondena ng gobyerno sa pangyayari.
Kinumpirma ni National Security Adviser at National Task Force for the West Philippine Sea chairman Hermogenes Esperon Jr. ang ginawang pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa dalawang supply boat kaya nasira ito at napigil ang nakatakda sanang paghahatid ng supply sa mga tauhan ng Philippine Navy na naka-station sa BRP Siera Madre.
Kaugnay nito inihayag ni Esperon na may kapuna puna umano sa aktibidad ng Chinese militia sa area ng west Philippine seas. “Nagtaka kami, unusual ‘yung presence nila sa Ayungin there were about, usual d’yan mga dalawang Chinese maritime militia lang pero for the last week merong 19. At du’n sa Pagasa record number din, 45, record number for the year so very aggressive sila so we are protesting that because that’s part of our EEZ (Exclusive Economic Zone) and those are low tide elevations, tulad ng mischief reef, low tide elevation ‘yan e, so nobody is supposed to be there, it is within our EEZ.”
“Kailangan naming kondenahin at iprotesta ang insidente,” ani Esperon kasunod ng pahayag na itutuloy pa rin nila ang resupply mission at hindi nila kailangan na humingi ng permiso kaninuman.
Kinumpirma rin ng isang AFP Senior Official na babalik sila sa Ayungin para ituloy ang re-supply mission at pagdadala ng tao sa BRP Siera Madre: “Kasi ang first priority namin is to repair the vessels, but definitely we will be going back.” VERLIN RUIZ