(Tiniyak ng mga baker) WALANG PRICE HIKE SA PINOY PANDESAL

WALANG magiging paggalaw sa presyo ng Pinoy Pandesal at Pinoy Tasty sa gitna ng pandemya.

Sa panayam sa TeleRadyo Biyernes ng umaga, sinabi ni Chito Chavez, dating bise presidente at tagapagsalita ng Philippine Federation of Bakers Association Incorporated, na ito ay bilang suporta sa mamamayang Pilipino at maging sa pamahalaan ngayong patuloy na nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

“Hindi po tataas sa panahong ito. Nangako po ang presidente ng PhilBaking, si Johnlu Koa, na ito ay hindi nila gagalawin. Sila po ang malalaking manufacturer niyan,” sabi ni Chavez.

Ayon kay Chavez, ito ay sa kabila na hirap pa rin ang mga panaderya sa bansa na makaahon, lalo na ang mga community baker, mula sa epekto ng COVID-19 lalo’t nagtataasan din ang presyo ng mga pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.

Aniya, ang presyo ng margarina ay tumaas ng 48 percent at shortening ng 30 percent. Nagkaroon din ng dagdag sa presyo ng LPG, asukal at skim milk.

“Hindi kami masasaktan kung hindi nagtaas itong ibang ingredients,” dagdag pa niya.