(Tiniyak ng MIAA) INCENTIVES, SALARY HIKES SA NAIA WORKERS

TINIYAK ng Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Huwebes na ang mga airport employee na maaapektuhan ng pagsasapribado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIAA) ay bibigyan ng mga insentibo bukod pa sa dagdag-sahod sa kanilang paglipat sa New NAIA Infrastructure Corp.

Nauna nang tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na hindi mawawalan ng trabaho ang mga empleyado sa MIAA sa sandaling i-turn over ng pamahalaan ang operasyon at maintenance ng NAIA sa New NAIA Infrastructure Corp. sa September 14.

Sa isang televised briefing ay sinabi ni MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo na ang mga apektadong empleyado ay bibigyan ng 25 percent increase sa kanilang basic salary.

“Number two, mayroon po silang matatanggap na signing bonus, which is two times the monthly basic salary that they have, times number of years minus the retirement benefit that they will be getting at mayroon din po tayong separation incentive pay para nang sa ganoon naman po, iyong mga lilipat po sa pribadong sektor ay mayroon naman po silang kahit papaano baon na cash incentive,” wika ni MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo.

“Now, we even with that offer ‘no, alam naman din po natin, mayroon din pong mga empleyado na ayaw pong lumipat sa pribadong sektor at kung sakaling ito po iyong desisyon ng ating mga empleyado, ang MIAA naman po ay magkakaroon ng obligasyon na number one, either hanapan po sila ng available position sa ibang ahensiya ng ating pamahalaan or number two, kung mayroon pa pong available na position dito sa MIAA na kanilang puwedeng gampanan, puwede rin naman po nating ialok sa kanila ito,” dagdag pa niya.

Ayon kay Bendijo, pumirma na sa employment contract nitong linggo ang NAIA personnel na ang trabaho ay malilipat sa private concessionaire.

Nauna rito ay sinabi ng DOTr na hindi bababa sa 77.5 percent ng mga empleyado ng MIAA ang tinanggap ang trabahong inalok ng San Miguel-led NNIC.

Sinabi ni Transportation Undersecretary Roberto Lim na ang airport police at iba pang kinakailangang empleyado ng MIAA ay mananatili bilang organic personnel.