HINDI makararanas ang mga customer ng Manila Water at Maynilad ng krisis sa tubig sa susunod na taon sa gitna ng bilyon-bilyong pisong capital na ginastos ng dalawang concessionaires upang masiguro ang maaasahan at pinabuting water at wastewater services sa kanilang franchise areas, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office (MWSS-RO).
“We can guarantee that for 2025, there will be no water crisis,” wika ni MWSS-RO Chief Regulator Patrick Tyrone.
“Pangako po natin, ng dalawang concessionaires, wala pong water crisis nitong 2025,” dagdag pa ni Ty.
Ibinigay ng MWSS-RO ang katiyakan makaraang aprubahan nito ang dagdag-singil sa tubig para sa Manila Water at Maynilad simula sa January 2025.
Ayon kay Ty, kinonsidera ng regulatory body ang actual capital na ginastos ng water concessionaires para sa period na 2023 hanggang 2024 sa pag-apruba sa water rate hikes.
Sinabi ni Ty na ang Manila Water ay gumastos ng kabuuang P32.668 billion para sa water at wastewater projects nito para sa naturang panahon, na bumubuo sa 81% ng capital expenditure target nito.
Gumastos naman ang Maynilad ng 83% ng capex target nito para sa 2023-2024 na nagkakahalaga ng P47.591 billion.
Paliwanag ng MWSS-RO chief, kailangan ng Manila Water at Maynilad na magbuhos ng bilyon-bilyon para mag-invest sa kanilang proyekto upang mapanatili at mapaghusay ng concessionaires ang kanilang serbisyo.
“‘Pag magkakaroon ng water interruption, it will be very limited and very isolated,” ani Ty.