MULING tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na mayroon pa ring dadaloy na tubig sa mga kabahayan.
Ito’y sa kabila ng inanunsiyong pagbabawas ng pressure ng tubig tuwing alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga bunsod ng patuloy na pagsadsad ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Sa panayam ng DWIZ, ipinaliwanag ni Engineer Patrick Dizon, Division Manager ng MWSS, na ang naturang hakbang ay inisyatiba ng kompanya upang mabawasan ang non-revenue water o ang tubig na natatapon at hindi nagagamit.
Samantala, pinaalalahanan ni Engr. Dizon ang mga consumer na huwag gawing rason ang matinding init ng panahon para magsayang ng tubig. Kung maaari, aniya, ay hugasan agad ang mga pinggan na pinagkainan upang hindi matuyo ang mga tirang pagkain nang sa gayon ay kaunting tubig lamang ang magamit.
DWIZ 882