NAKAHANDANG tulungan ng pamahalaan ang may 4,000 magsasaka sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula na labis na naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Task Force El Niño spokesperson Joey Villarama, ang mga magsasaka ay tatanggap ng seeds para sa alternative crops makaraang maapektuhan ng El Niño ang maraming rice at corn plantation.
Ang mga magsasaka ay tatanggap din ng social protection, kabilang ang iba pang anyo ng kabuhayan.
“Binigyan sila ng domestic animals para meron silang mapagkunan ng kabuhayan,” aniya.
Aayusin din ng pamahalaan ang irrigation canals at magsasagawa ng cloudseeding operations upang tulungan ang mga apektadong magsasaka.
Sa pinakahuling ulat ng Department of Agriculture (DA) ay pumalo na sa P151 million ang agricultural damage ng El Niño, kung saan ang production losses ay tinatayang nasa 6,618 metric tons ng palay at mais, karamihan ay sa Iloilo, Antique, Negros Occidental, at Zamboanga Del Norte.
Ayon pa sa DA, nasa 3,291 ektarya ang naapektuhan ng dry spell.
Sa pagtaya ng PAGASA, ang El Niño ay mararanasan hanggang Mayo.