NAKAHANDA ang gobyerno na magkaloob ng credit at insurance assistance sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño phenomenon, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at DA spokesperson Arnel de Mesa, naglaan na ang pamahalaan ng P500 million na credit assistance, o P25,000 kada apektadong magsasaka at mangingisda.
Nasa P1.8 billion naman ang insurance claims kung saan hanggang P20,000 ang maaaring ipamahagi sa El Niño-affected farmers at fisherfolk.
Bukod dito. sinabi ni De Mesa na minamadali na rin ng DA ang pamamahagi ng P5,000 cash aid sa rice farmers at P3,000 fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda na inilaan sa ilalim ng national budget.
“On the technical side, of course, ‘yung pagpupursige natin sa alternate wetting and drying technology na ma-adopt nung mga still nagtatanim ng palay,” aniya.
Sa datos ng DA, hanggang Pebrero 25, ang pinsala sa agrikultura ng El Niño ay tinatayang nasa P357.4 million.
Naitala ang mga pinsala sa mga pananim sa Ilocos, MIMAROPA, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula Regions.
May kabuuang 7,668 magsasaka ang apektado ng El Niño. Ang dry spell ay nakaapekto sa 6,523 ektarya ng farmland, na may tinatayang 11,480 metric tons para sa palay, 2,897 MT sa mais, at 225 MT para sa high-value crops.
Sa datos ng DA, ang apektadong rice area ay 5,011 ektarya, habang ang production loss na 11,480 MT ay 0.12% ng target dry cropping season output para sa 2024.
Para sa mais, ang lugar na apektado ng dry spell ay 1,263 ektarya o 0.11% ng total target area na tinaniman, habang ang production loss na 2,897 MT ay 0.06% ng target production para sa 2024 dry cropping season.