(Tiniyak ng PNP) MALINIS, TAPAT, MAPAYAPANG HALALAN

NANINIWALA si Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar na nasa tamang landas ang kanilang kampanya para sa isang tahimik at maayos na presidential and local election sa susunod na taon.

Ayon kay Eleazar, tuloy tuloy ang ginagawang hakbang ng PNP para siguruhing magiging tapat at mapayapa ang pagdaraos sa darating na halalan.

“Sunod-sunod na ang aming matagumpay na operasyon sa iba’t-ibang panig ng bansa na nagresulta sa pagkakahuli ng mga gunrunner, mga miyembro ng Private Armed Group at pagkakakumpiska ng maraming baril na maaring gamitin upang mandaya at isabotahe ang Halalan 2022,” ani Eleazar.

“Patuloy ang aming mga intelligence-build up at monitoring sa iba’t-ibang panig ng bansa lalo na sa mga lugar na may kasaysayan ng election violence. Target natin dito ang mga private armed groups at mga baril na maaring nilang gamitin sa paghasik ng karahasan,” dagdag pa nito.

Ang nasabing pahayag ay tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na sumunod sa batas at iwasan ang karahasan sa idaraos na national at local elections sa 2022.

Kaugnay nito, patuloy rin na nakikipag-ugnayan si Eleazar sa Commission on Elections at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan pagdating sa latag ng seguridad kabilang na ang pagtukoy sa mga election hotspots gayundin sa mga grupo at indibidwal na posibleng kunin bilang goons ng mga pasaway na pulitiko.

Sinabi pa nito, mula nang mapatunayang epektibo ang ugnayan at pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines gayundin sa iba pang ahensiya ng pamahalaan sa paglaban sa ilegal na droga, ganito rin ang kanilang gagawin sa mga kinauukulang ahensiya para sa seguridad ngayong halalan.

Ang PNP at ang AFP ang karaniwang ahensiya na madalas sinasandigan ng Comelec sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan tuwing halalan.

“Naniniwala ang inyong PNP na sa maagang paghahanda sa halalan sa susunod na taon, mas matitiyak natin na hindi makakaporma ang mga tao at grupo sa kanilang mga masasamang balak para na isabotahe ang eleksyon para sa kani-kanilang personal na interes,”diin ni Eleazar.

“Lalo pa natin pinalakas ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa AFP at iba pang law enforcement agencies dahil sa bandang huli, kabilang kami sa mananagot sa taumbayan kung hindi namin maprotektahan ang kanilang boses sa pagpili ng mga lider na mamumuno ng ating bansa,” anito.
VERLIN RUIZ

2 thoughts on “(Tiniyak ng PNP) MALINIS, TAPAT, MAPAYAPANG HALALAN”

Comments are closed.