TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na agad ibabalik ang mga suplay ng koryente na apektado ng bagyong Aghon makaraang maayos ang nawasak na power lines ng mga power distributor at local government.
“The Task Force on Energy Resiliency has also been monitoring the efforts of the plants na bumabalik. So kailangan lang ma-synchronize kasama ‘yung mga linya,” ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella.
Tiniyak din ni Fuentebella na puspusan ang kanilang monitoring sa mga linya ng koryente.
“So we’re monitoring this closely… parang makakabalik naman siya kasi the plants are okay, its more of the lines coming in naman ang nagiging issue. But rest assured everyone is working on this. Team work tayo para mabalik kaagad and the good thing is as mentioned by the Secretary (Lotilla) the efficient use of electricity will also contribute a lot,” diin ng DOE official.
Aniya, ang team work ay hindi lamang para sa mga lineman at power plant manager kundi para rin sa pangkalahatang publiko na ngayon ay nag-e-enjoy sa mas malamig na panahon, na makababawas sa pagkonsumo ng enerhiya.
Sinabi ng DOE official na siyam na planta ng koryente ang naapektuhan ng bagyong Aghon, na nagpasara sa kanilang kapasidad na mag-supply ng koryente dahil sa gulo ng panahon.
May kabuuang 23 power plants ang hindi naglalabas ng koryente, kung saan 12 na ang nagsara bago humagupit ang bagyo dahil derated o offline ang mga ito.
Sa isang pahayag, humihingi ang DOE ng kooperasyon mula sa publiko upang magamit nang maayos ang koryente sa Luzon grid, partikular na matapos maglabas ng Red Alert notice ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi at Yellow Alert mula ala-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon at mula alas-10 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi kahapon.
Ang bagyong Aghon ay nagdulot ng malaking pagbaba sa magagamit na suplay ng koryente sa grid sa panahon na ang mga hydro power plant ay hindi pa nakakabawi mula sa kanilang mababang suplay ng tubig.
Habang inaasahang bubuti ang suplay ng koryente sa mga susunod na araw, hinihikayat ng DOE ang lahat na magtipid ng enerhiya upang mabawasan ang pagpapadala ng mas mahal na oil-based power plants.
Hinihikayat din ang mga commercial at industrial na mamimili na patuloy na lumahok sa Interruptible Load Program (ILP) ng kanilang mga distribution utilities, partikular ang Meralco.
EVELYN QUIROZ