TULOY ang 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez.
Sa kanyang pagharap sa media sa harap ng pagbabago ng liderato sa Philippine Olympic Committee (POC) nitong linggo at ng napaulat na posibleng pagpapaliban sa biennial meet, sinabi ni Ramirez na nakipagpulong siya kay Executive Secretary Medialdea na ipinahatid ang kautusan ng Pangulo sa sports chief.
“The President is aware of the issues but directed us to keep our focus on the athletes and let the others sort out their issues within their ranks,” wika ni Ramirez.
“We must isolate our athletes from all these issues so they can focus on their mission,” dagdag pa ni Ramirez na siya ring Chef de Mission ng Team Philippines sa SEAG.
Muli ring nanawagan ang PSC chief sa lahat ng kinauukulan na magkaisa para sa kapakanan ng mga atleta.
Si Ramirez ay nakatakdang magsagawa ng fellowship assembly sa pagitan ng NSAs, national coaches at ng mga atleta sa Hulyo 5.
Ito ang ikaapat na beses na gagawin sa Filipinas ang SEA Games, ang una ay noong 1981 at ang huling dalawa ay noong 1991 at 2005.
Ayon pa kay Ramirez, anumang oras ay nakahandang tumulong ang PSC sa POC upang masiguro ang tagumpay ng SEA Games na gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Sinabi pa niya na nagulat siya sa desisyon ni Ricky Vargas na iwanan ang POC sa panahon na ilang buwan na lamang ay aarangkada na ang biennial meet.
“I’m saddened by the untimely decision of Mr. Vargas to resign as POC president. Well, that is his decision. We cannot do about it because that is his personal decision,” dagdag pa niya.
“Maski mag-election sila buwan-buwan walang problema. Okay lang sa akin. We will not interfere. That is their calling,” ani Ramirez.
Nauna rito ay inanunsiyo ni POC chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino na plano niyang magpatawag ng isang special election para sa binakanteng posisyon.
Ayon kay Tolentino, pormal niya itong ihahayag sa nakatakdang Extraordinary General Assembly sa Hunyo 25.
Si Vargas ay bumaba sa puwesto noong Martes makaraang kuwestiyunin siya sa pagkakasangkot niya sa iba’t ibang kontrobersiya na kinakaharap ng hosting ng bansa sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.
Tutukuyin ni Tolentino ang POC Bylaws Article 7, Section 6, na nagsasaad na, “a special election may be called by the Chairman within 30 days from the date the vacancy arises, if the named successors – First Vice-President and Second Vice-President – are not qualified to succeed.”
Ang dalawang opisyal ay dapat na nagtataglay ng qualifications ng isang POC president, nangangahulugan na kailangang sila ay incumbent president ng isang national sports association ng isang Olympic sport.
Si First vice president Jose Romasanta, na pumalit sa puwesto ni Vargas, ay kasalukuyang vice president ng volleyball association, habang si Second vice president Antonio Tamayo ay presidente naman ng soft tennis, na hindi isang Olympic sport. CLYDE MARIANO
Comments are closed.