WALANG nakikitang problema ang mga awtoridad sa suplay ng koryente at tubig sa susunod na taon sa kabila ng banta ng El Niño.
Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), inaasahan ang sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan dahil ang water level ng Angat Dam ay nasa 212.5 meters hanggang alas-6 ng umaga kahapon.
Mas mataas ito sa normal high water level nito na 212 meters.
Ang spilling level ng Angat Dam ay itinaas din sa 214 meters, nangangahulugan na hindi magpapakawala ng tubig ang mga awtoridad hanggang hindi naaabot ang level na ito.
Samantala, sinabi ng Department of Energy (DOE) na wala itong inaasahang yellow o red alerts sa summer months dahil nakatakdang mag-operate ang mga karagdagang power supply bago magsimula ang tag-init.
Ayon kay Energy Assistant Secretary Mario Marasigan, inaasahang magsisimula ngayong buwan ang commercial operations ng power projects na Mariveles Coal Fired Phase 1 – Unit 1, 150 MW;
Palayan Binary Power Plant, BacMan Geothermal, Inc, 29MW; Isabela Rice-Husk, 5 MW; at Wind – Balaoi and Caunayan Projects, 160 MW
Inaasahan din ang operasyon ng ilang solar power projects ngayong buwan na may total capacity na 460.154 MW.