TINIYAK ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na walang magaganap na privatization sa nasunog na Pritil Market na siyang pangamba ng humigit kumulang sa 500 tindero’t tindera.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna isang mas maganda, organisadong Bagong Pritil Market na mananatiling pampubliko at patuloy na mag-aalok ng abot kayang bilihin sa mga mamimili ang litatayo kapalit sa natupok na palengke kung saan 491 stall holders ang nawalan ng kanilang mga puwesto.
Ginawa ni Lacuna ang pahayag matapos inspeksyunin ang natupok na palengke sa Tondo, kasama sina Vice Mayor Yul Servo, first district Congressman Ernie Dionisio, City Engineer Armand Andres at Manila Traffic and Parking Bureau head Zenaida Viaje, at Barangay 91 Zone 8 Chairman Tony Asilo kung saan kinausap nito ang mga tinderang nasunugan at tiniyak na mayroong bagong palengkeng itatayo na mananatiling pag-aari ng pamahalaang lungsod.
Sinabi rin ng alklade na ang mga nasalantang vendors ay tatanggap ng P5,000 bawat isa bilang financial assistance mula sa pamahalaang lungsod. Ang nasabing halaga ay naaayon sa itinakda ng batas pero ito ay madadagdagan mula sa tanggapan ni Cong.Dionisio sa ilalim ng TUPAD program.
Sa kanyang pakikipag-usap sa stall owners, hiniling ni Lacuna ang kanilang pasensiya at makuntento muna sa pansamantalang lugar na pagpuwestuhan habang naghahanap pa ng pondo ang lokal na pamahalaan para sa itatayong palengke na tatawaging ‘Bagong Pritil Market’.
Sa nasabing bagong palengkeng itatayo ay magkakasama ang wet and dry goods at ang sukat ay pare-pareho lang para sa bawat isa.
Nabatid na tinupok ng apoy ang buong 6,000 square-meter market at walang natira na maaaring pakinabangan.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang dahilan ng sunog pati na ang kabuuang halaga ng napinsala. VERLIN RUIZ