TIWALA si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na hindi magiging problema ang pondo para tugunan ng pamahalaan ang kinakailangang subsidiya para sa mga mamamayang apektado ng COVID-19 pandemic at pagtaas ng presyo ng langis.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itaas sa P500 ang buwanang ayuda na matatanggap ng bawat mahihirap na pamilyang Pilipino.
Ayon kay Salceda, ang funding source para sa ayuda ay maaaring kunin sa existing budgetary items at sa mga existing items na pinondohan ng dividend remittances at iba pang non-tax sources.
Aniya, anuman ang sitwasyon ay mayroong pondo na maaaring i-tap ang pamahalaan para sa ayuda.
Dagdag pa ng kongresista, maaaring samantalahin ng Department of Budget and Management (DBM) ang election ban para linisin ang mga items sa pambansang pondo na puwedeng ideklara bilang “savings”.
Tiniyak niya ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga economic manager, Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Bureau of Customs (BOC) upang maisaayos ang mga butas sa pagbubuwis at mapagbuti ang revenue collections gamit ang mga umiiral na tax laws. CONDE BATAC