TINUTULAN ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang panukala ni Senadora Nancy Binay na magpatupad ng total ban sa Chinese construction workers sa bansa para protektahan ang mga manggagawang Pinoy.
Ayon kay Bello, mayroon kasing mga trabaho na hindi kayang gampanan ng mga Pinoy, kaya’t maaaring kumuha ng dayuhang manggagawa para rito.
Gayunman, sinabi ni Bello na hindi dapat na bigyan ng work permit ang mga dayuhang manggagawa para sa trabahong kaya namang gawin ng mga Pinoy, at kung mapatutunayang gumagampan siya sa naturang trabaho, ay dapat siyang ipa-deport at i-blacklist.
“Mayroon talagang general rule na hindi natin pahihintulutan na magtrabaho ang dayuhan dito kapag ‘yung trabaho ay kaya ng Filipino, Proteksyon ‘yan sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Bello, sa panayam sa radyo.
“Hindi mo naman puwedeng gawin na total ban kasi mayroon din namang trabaho na hindi natin kaya o hindi tayo naangkop,” aniya pa.
Una nang nadiskubre na dagsa ang Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.