(Tinutulan ng gov’t officials) 7-ARAW NA QUARANTINE SA TRAVELERS

INALMAHAN ng isang Palace adviser at isang health undersecretary ang panukalang ibalik ang mandatory 7-day quarantine para sa arriving passengers sa gitna ng pagkakatuklas ng mas nakahahawang omicron subvariants.

Sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na hindi na ito kinakailangan dahil halos lahat ng bansa ay ibinasura na ang polisiyang ito.

“So we don’t need to go back to the 7-day quarantine kasi walang pupunta dito. Babagsak uli ang tourism. Eh, kakabangon lang ng mga maliit na negosyante dito, na iyong negosyo nila ay nakasalalay dito sa tourism sector,” sabi ni Concepcion sa isang public briefing.

Aniya, ang mahalaga ay ang COVID-19 vaccination status ng mga papasok sa bansa.

Inalis na ng gobyerno ang mandatory COVID-19 quarantine para sa lahat ng bakunadong travelers noon pang Enero ng taong ito

Sinuspinde na rin ng bansa ang “green,” “yellow,” at “red” COVID-19 risk classifications nito para sa mga bansa, teritoryo, at hurisdiksiyon.

“So we don’t need to go to that extent ‘no ang tingin ko. Hindi naman itong variant na bago, itong Omicron pa rin, highly contagious pero ang kalalabasan naman nito ay mild and especially if vaccinated, mas maganda iyong wall of immunity natin ‘no,” ani Concepcion.

Sa parehong briefing ay sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ng bansa na mabuhay kasama ang virus sa gitna ng presensiya ng omicron subvariants.

“Despite the detection of the subvariants, the country’s hospitals were not filled up by severe to critical COVID-19 cases. It is important to be vaccinated to avoid this,” ayon kay Vergeire.