TIPID NA P21 KADA KAIN, HINDI KA PA RAW NAGHIHIRAP?

magkape muna tayo ulit

Ako ay nalaglag sa aking upuan. Ayon daw kasi sa ating gobyerno, hindi ka pa raw matatawag na mahirap kapag ang gastos mo sa pagkain ay nagkakahalaga ng P21. Ano kaya ang mabibili mo na masustansyang pagkain sa halagang P21?

Kung pupunta sa mga karinderya, ang mabibili mo lamang sa P21 ay isang maliit na tasang kanin at gulay na may sabaw. Ayun na yun. Walang karne, isda o itlog man lang. Hindi pa kasama ang isang tasang kape o anumang panghimagas o prutas. Kung ganito ang uri ng pamumuhay mo sa araw-araw, hindi mo ba masasabi na medyo hirap ka sa buhay?

Ang presyo ng pandesal ngayon ay naglalaro sa P2.50 hanggang P5 kada piraso. Para maging masustansya, maski papaano, ang maglalagay ka ng palaman ng sardinas o corned beef. Nagkakahalaga ang pinakamurang sardinas sa P25. Dito pa lang ay taliwas na sa batayan ng ating pamahalaan na hindi ka mahirap kapag ang budget mo sa pagkain ay P21 kada kain.

Noong 2022, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang food threshold o lebel ng batayan para sa badyet ng pagkain sa pamilya na may tatlong anak ay nagkakahalaga sa P8,379. Hindi ka pa raw isang mahirap na pamilya kapag ang badyet mo kada kain ay nagkakahalaga sa P18.62.

Ang minimum wage o sahod sa Metro Manila ay P610 kada araw o parang nasa mahigit na P12,500 kada buwan. Bawasan mo ng P8,379 kada buwan, ang matitira sa isang minimum wage earner ay P 4,121. Kung may tatlo kang anak, paano masustentuhan o matutustusan ang kanilang panga­ngailangan sa natitirang mahigit na P4,000? Paano na ang upa ng tinitirahan, koryente, tubig at mga iba pa. Hmmmm. Hindi pa pala mahirap ang ganitong klaseng pamumuhay sa Pilipinas. Ano ba yan?!

Subalit ayon sa datos ng National Economic and Development Authority, tinuturing nilang mababa ang badyet na pagkain ng isang tao na gumagastos ng P64 kada araw o P21.33 kada kain.

Sa madaling salita, ang tipikal na makakain mo sa isang araw ay ganito: 2 piraso ng pandesal, isang tasang kape, gatas na evaporada para sa almusal. Isang maliit na tasang kanin, kapiranggot na karne o isda para sa tanghali at isang tasang kanin ulit, pekeng sopas at isang platitong gulay para sa hapunan. Kung ikaw ay sobrang mataba at nagpapapayat, marahil puwede ito ang kakainin mo. Su­balit para sa ordinaryong manggagawa, masasabi ba natin na hindi hirap sa buhay ang ganitong klaseng pagkain? Magpakatotoo naman tayo noh?