PATAAS nang pataas ang mga bilihin. Marami pang kompanya na imbes na gawing regular ang mga empleyado upang makakuha ng benepisyo, tinatanggal pa ang mga ito. Hindi man lang iniisip ang pamilyang umaasa sa mga nasabing manggagawa.
Nakalulungkot nga namang isipin na maraming mga kapawa Filipino ang nanghahamak at nang-aalipusta ng mga kababayan natin. Imbes na tumulong, sila pa ang nagiging dahilan kung kaya’t lalong naghihirap ang mga mahihirap. Mahirap na nga ang buhay, pinahihirap pa ng sitwasyon.
Ang hirap-hirap mag-budget sa panahon ngayon. Walang katapusan ang pagtaas ng mga bilihin at maging ang pamasahe sa dyip at taksi. Sa kabila ng pagtaas ng pamasahe at maraming bilihin, suweldo na lang ng mga manggagawa ang hindi gumagalaw. Minsan na nga lang kung magtaas, kaka-piranggot pa. Halos hindi mo maramdaman.
Sa panahon ngayon na tila ginigipit tayo ng mundo, kailangan din nating maghigpit ng sinturon. Kailangang maging matalino tayo sa paggastos nang sa gayon ay magkasya ang ating kinikita sa pang-araw-araw nating pangangailangan. Iyon nga lang, kahit na anong gawin natin, talagang ang hirap pagkasyahin ang kinikita ng isang empleyado. Todo-tipid na sa lahat ng gastusin at pangangailangan, kapos na kapos pa rin at walang naipantatabi para makaipon sa mga kakailanganin sa hinaharap. Isa ang kakulangan sa suweldo kaya’t hindi nakapag-iimpok ang isang tao.
Lahat tayo, pinoproblema kung papaano makatitipid. Ngunit mahirap man, bilang estudyante ay mayroon tayong magagawa. Narito ang ilang tips:
BUMILI LANG NG MAKABULUHANG MGA BAGAY
Marami sa atin na kung ano ang maisipan o magustuhang bilhin, binibili. Ang iba nga ay nag-iipon pa para lang mabili ang inaasam-asam na bagay o gamit. Pero bago tayo gumastos o mag-ipon para sa isang bagay, siguraduhing magagamit ang bibilhin at hindi lang ito itatambak. Iwasan din ang pag-bili ng isang bagay o gamit dahil lang gustong makiuso. Huwag ding padadala sa mga bagong gadget na lumalabas. Laging isaisip bago bumili kung magagamit ba ito at mapakikinabangan ng matagal. Pigilin ang sariling gumastos lalo na nang hindi naman kailangan.
MAGLUTO SA BAHAY UPANG MAKAPAGBAON
Ano pa nga bang putahe ang makahihigit sa sarap kundi ang pagkaing lutong bahay o ginawa ng ating mahal sa buhay.
Marami sa atin ang mas pinipiling bumili o kumain sa labas. Para sa ilan, mas madali nga naman itong gawin kaysa ang magluto at magdala ng baon sa eskuwelahan. Gayunpaman, mas makatitipid ka kung magbabaon ka kaysa ang bumili ng pagkain sa labas. Masisiguro mo ring mas healthy at masarap ang iyong kinakain kung niluto ito sa bahay o ng mahal sa buhay.
GUMAWA NG SARILING KAPE O TEA
Mahilig ang marami sa atin sa kape at tea. May ilan nga na hindi nabubuo ang araw kung hindi nakaiinom ng kape at tea. Mainit man o malamig na kape at tea ang paborito mo, puwedeng-puwede mong subukan ang paggawa nito kahit sa bahay lang.
Pansinin na lang natin kung magkano ang nagagastos natin sa pagbili ng tea at coffee sa mga coffee shop. Naglalaro sa isandaan hanggang dalawang daan ang presyo nito. Masyadong mahal kaysa sa ang gumawa ka sa bahay. Hindi mo rin naman poproblemahin ang lalagyan dahil sa ngayon, may mga nabibiling maaaring paglagyan na hindi agad-agad nawawala ang lamig o init.
Mas mapasasarap mo pa ang kape o tea mo kung ikaw na mismo ang gagawa nito.
LIMITAHAN ANG PAGLALAKWATSA
Paglalakwatsa ang hilig ng maraming kabataan. Kapag walang pasok, nag-iisip kaagad ang mga ito ng mainam na puntahan—magandang lugar na puwedeng puntahan, masarap na restaurant na maaaring subukan, magandang palabas na puwedeng panoorin at mga bagay o gamit na patok o swak. May ilan ding nagtutungo sa bar, restaurant at coffee shop upang doon magpalipas ng oras.
Hindi naman masamang gawin natin ang mga nakapagpapasaya sa atin. Gayunpaman, limitahan ang mga ito upang makatipid. Oo nga’t kung minsan ay pagod na pagod tayo at gusto nating mag-relax. At para makapag-relax, mas pinipili nating magtungo sa coffee shop o kaya naman sa bar. Pero hindi lang naman ito ang mga lugar na maaari nating puntahan. Kahit nasa bahay lang ay maaari tayong makapag-relax kasama pa natin ang ating mahal sa buhay.
MAGING TOTOO SA SARILI AT HUWAG MAKIPAGKOMPETENSIYA SA IBA
May ilan sa atin na nagpapanggap at nakikipagkompetensiya sa mga kakilala o kaeskuwela.
Kung minsan tuloy dahil sa pagpapanggap ay napipilitan tayong mapagastos ng malaki. Kumbaga, sinasabayan natin ang mga kakilala, kaibigan o kaeskuwela sa paggastos at maging sa luho.
Hindi naman natin kailangang gawin iyon. Maging totoo tayo, unang-una sa ating sarili.
Hindi masama ang magpakatotoo. Ang pagpapanggap ang may masamang naidudulot kaya’t ito ang kailangang iwasan ng kahit na sino sa atin.
Maraming paraan para makatipid ang kahit na sino sa atin. Kung gusto nating makatipid, magagawa natin dahil may mga paraan. (photos mula sa google) CS SALUD
Comments are closed.