(ni CT SARIGUMBA)
IMPORTANTENG nasisiguro nating maayos sa kahit na anong panahon ang ating tahanan. Ito ang kanlungan ng buong pamilya—umulan man o umaraw. Ito rin ang piping saksi sa saya at lungkot na nararanasan ng isang mag-anak.
At dahil ito ang nag-iingat sa buong pamilya sa kahit na anong panahon, dapat ay inaalagaan din natin ito. Kung ano man ang ibinibigay nito sa atin, iyon din ang ibigay natin sa ating mga bahay—ang tamang pag-aalaga at pag-aayos.
Kaya naman, narito ang ilang simpleng tips kung pinaplano ninyong ayusin o pagandahin ang inyong tahanan:
INSPEKSIYUNIN ANG BUONG BAHAY
Una sa kailangan nating gawin ay ang pag-iinkspeksiyon ng kabuuan ng ating bahay. Madalas ay may mga lugar tayong hindi nakikita o natsetsek na akala natin ay nasa maayos na kondisyon. Nagugulat na lang tayo dahil may malaki na palang problema ang parte o ilang bahagi ng ating bahay.
Kaya para maiwasang magkaproblema ng malaki, regular na inspeksiyunin ang kabuuan ng tahanan. Sa pamamagitan ng regular na pag-iinspeksiyon ng bahay ay maiiwasan ang paglala ng problema at malalaman din kung ano-anong parte o bahagi ang kailangang ayusin o palitan.
ALAMIN KUNG GAANO KALALA ANG SIRA NG BAHAY
Matapos na ma-inspeksiyon ang buong bahay, alamin din kung gaano ba kalaki ang sira o problemang kailangang aksiyunan.
May mga sira na madali lang kumpunihin at kaya na nating gawin nang hindi nagha-hire ng contractor. Kung simple lang na-man at sa tingin ninyo ay magagawa ninyo nang maayos ay huwag nang mag-hire ng contractor nang makatipid.
Kung malala naman ang problema o hindi ninyo kayang ayusing mag-isa, saka kumuha ng gagawa.
Makatitipid din kung ikaw na mismo ang bibili ng mga materyales. Mababantayan mo rin ang kalidad ng mga ito. Siguraduhin ding ang kukuning tao ay may kaalam sa iyong ipagagawa nang hindi masayang ang oras at panahon, maging ang perang iyong gagastusin.
PLANUHIN ANG GAGAWING PAGPAPAAYOS
Mahalaga rin ang pagpaplano sa gagawing pag-aayos ng bahay—malaki man o maliit ang sira nito.
Bago tayo magpa-renovate o mag-ayos ng bahay, mas maganda kung may plano tayo kung ano-anong parte ba ng bahay ang kailangang ayusin. Kaya naman, i-check na muna ang bawat sulok ng bahay sa maaring pagmulan ng problema kung tag-ulan—mga anay, sirang bubong o alulod, baku-bakong daanan, baradong drainage o tubo at maging ang sirang gripo.
Maglista rin ng mga kailangang ipaayos sa bahay at kung ano-anong mga kagamitan ang kakailanganin.
Para rin makatipid, mag-canvass sa iba’t ibang construction supply store o hardware ng mga gamit para malaman kung saan ang mas mura. Mainam na mag-canvass sa dalawa o higit pang hardwares upang maikumpara ang mga presyo. Dito ay iyong malalaman kung aling tindahan ang pinakamura ngunit nagbibigay naman ng dekalidad na produkto.
Piliin na rin ang materyales na magtatagal at hindi kaagad masisira.
Mas makabubuti rin kung ang pipiliin ay iyong mga environment-friendly upang hindi makadagdag sa polusyon o makapag-simula ng sunog.
MAG-RECYCLE NG MATERYALES
Huwag ding magdadalawang isip na mag-recycle ng materyales kung puwede pa namang magamit o maayos pa.
Kung halimbawa ay may mga materyales kayong hindi nagamit at nang tingnan ninyo ay maayos pa ito, huwag nang bumili at iyon na lang ang gamitin.
Sa pagpapaayos ng bahay, hindi kailangang bumili ng bago.
Ang importante ay maayos ang kalidad ng gagamitin sabihin mang luma ito o nagamit na.
MAG-SET NG BUDGET SA GAGAWING PAGPAPAAYOS
Mainam din kung magse-set ng budget sa gagawing pagpapaayos. Batay rin sa ilalaang budget ay makapagdedesisyon kayong mabuti sa kung paano sisimulan ang gagawing pag-aayos.
Maging handa rin lalo na kung mas tumaas ang magagastos kaysa sa inilaang budget.
MAG-ISIP MUNANG MABUTI BAGO MAGDESISYON
Gusto nating makatipid sa lahat ng bagay. Kung minsan, maging ang pagpapaayos ng ating bahay ay tinitipid na rin natin.
Kung mag-aayos na rin tayo ng bahay, siguraduhing napag-isipan natin itong mabuti bago simulan.
MAGING ORGANISADO
Huwag magpadalos-dalos sa pagdedesisyon. Kadalasan kasi, ginagawa na natin ang isang bagay kahit na hindi naman ito nakaplano o hindi naman natin napag-isipan pa. May ilan din kasing basta’t naisip lang na magpaayos ng bahay, magpapintura o kung anuman, nagpapagawa agad.
Mas maganda kung ikokonsulta muna sa ibang kasamahan sa bahay kung ano ang dapat o tamang gawin kung may gagalawin na parte o ipaaayos sa inyong bahay. Pahalagahan ang opinyon ng iba upang walang mamuong samaan ng loob.
Maganda rin iyong hinihingi ang opinyon ng mga kasamahan sa bahay para mas mapaganda pa ang gagawing pag-aayos at ma-gustuhan ng lahat.
Maraming paraan upang maayos natin ang bahay ng hindi gumagastos ng mahal. Maging maingat lang tayo at higit sa lahat, regular na inspeksiyunin ang tahanan nang maiwasang lumala ang maliit na problema. (photos mula sa amara, sevillaurbany, realhomes, fionadogan)
Comments are closed.