TIPID-TIPS SA PARATING NA PASUKAN

(Ni CT SARIGUMBA)

SIMULA na ng Brigada Eskuwela. Na­ngangahulugan itong naghahanda na ang maraming guro, magulang at estudyante sa paparating na pasukan.

Kasabay ng pasukan ang pagbili ng mga gamit sa eskuwelahan, uniform at kung ano-ano pang bayarin. At para makatipid ngayong paparating na pasukan, narito ang ilang tips na puwedeng subukan:

MAS PILIIN ANG MAGBAON NG LUTONG BAHAY

May mga estudyanteng mas gustong kumain sa labas kaysa sa ang magbaon ng lutong pagkain. Bukod sa makatitipid, masisi­guro pang healthy ang babaunin o kakainin ng ating mga anak.

Sa pagpapabaon naman ng pagkain sa mga anak, iwasan ang processed food dahil hindi ito maganda sa katawan.

MAGING CREATIVE PAGDATING SA SCHOOL SUPPLY

Nagmamahal ang bawat bilihin. Pero hindi naman puwedeng ‘di natin paglalaanan ng budget ang mga kakailanganin ng ating anak.

Kung sakaling may mga luma pang notebook, papel at ballpen, maaaring gamitin pa ito ngayong parating na pasukan.

Kung bibili naman, bumili ng maramihan kaysa sa paisa-isa o paunti-unti. Bukod sa marami na kayong mabibili ay mas makamumura pa kayo. Hindi rin naman masasa­yang ang mga sobrang nabili dahil magagamit ito at hindi naman ito nasisira.

UNIFORM

Kung maaari pa namang gamitin ang pinaglumaang uniform, huwag munang bumili lalo na kung maayos pa ito.

Kung puti naman ang uniform ng inyong anak pero mukha na itong luma, maaari itong lagyan ng tina para magmukha ulit na bago.

Kung nabawasan naman ang timbang, puwede rin itong tahiin para sumakto o kumasya ulit.

Kung sumikip naman, ibigay na lamang sa kapatid na nakababata para hindi masa­yang at mapakinabangan pa.

TIPS SA MGA ESTUDYANTENG NANGUNGUPAHAN

Sa mga estudyante namang mangu­ngupahan, piliin ang mag-dorm kung malayo ang bahay sa pinapasukang school.

Nang makatipid at hindi mahirapan, iyan ang isa sa dahilan kaya’t nagdo-dorm ang maraming estudyante.

Ang magandang gawin ay labhan kaagad ang damit pagkatapos ito gamitin o ‘di kaya ay isabay ito habang naliligo. Ito ay para hindi maipon ang marumi at hindi masanay na palaging nagpapa-laundry. Maganda rin itong paraan para makatipid, matuto at ma­ging responsable.

Sa pagkain naman, humanap ng karinderyang malinis at mura. Kung puwede namang magluto sa dorm, magluto na lang nang makamura at masig-urong healthy ang kakainin. Mas masisiguro mo pang malinis ito.

Para naman hindi lumaki ang bayarin sa koryente, bago naman matulog ay tiyaking nakatanggal sa saksakan ang mga gamit o gadget na hindi gi-nagamit. Gayundin kapag aalis ng dorm nang makaiwas sa short circuit at pagkasunog.

At dahil mawawalay sa pamilya, huwag ding kalilimutang magdala ng picture ng mga mahal sa buhay at ilagay ito o isabit sa titirhang dorm. Iwasan ding gumastos kung hindi naman kailangan.

Simpleng paraa ngunit daan upang makatipid ang bawat estudaynte gayundin ang mga nanay ngayong parating na pasukan.

Comments are closed.