BILANG paghahanda sa nakaambang El Nino phenomenon o kakaibang mahabang panahon ng tagtuyot sa kabila ng opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tag-ulan, inilabas na ng Malacanang ang water conservation measures sa ilalim ng Memorandum Circular No. 22 na may petsa na Hunyo 7, 2023.
Ang memo circular ay may lagda ni Executive Secretary Lucas Bersamin, habang inatasan na rin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Water Resource Management Office (WRMO) at network of agencies nito na pangunahan ang pagpapapatupad ng water conservation measures upang ibsan ang epekto ng posibleng water crisis dahil sa banta ng dry spell.
Sakop naman ng kautusan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan kasama na ang government-owned or -controlled corporations and state universities and colleges, upang matukoy at maipatupad ang quantifiable and attainable water conservation measures na maaaring makatipid ng 10% water volume sa kanilang unang quarter water consumption.
Inatasan din ng Pangulo ang Local Water Utilities Administration, National Water Resources Board, at ang Metropolitan Water and Sewerage System, na isumite ang kanilang buwanang supply-demand projecton para matukoy ang maaaring matipid sa tubig.
“National government-run WSPs are hereby directed, and local government-run WSPs are hereby encouraged, to immediately complete their projects to reduce non-revenue water and upgrade their distribution pipes. Local government units are encouraged to process the requests of WSPs for waterworks within a reasonable period of time,” saad pa sa memorandum circular.
Hiningan din ni Pangulong Marcos ang WRMO ng mga strategy para sa pagtitipid ng tubig at inatasan na magsumite ng quarterly updates sa Office of the President, sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.
EVELYN QUIROZ