BAWAT estudyante, may kanya-kanyang ginagawa para makamit ang kanilang pangarap sa buhay. May iba na halos nagsusunog ng kilay para lamang magtagumpay. Pero may ilan naman na relaks lang. Kum-baga, hindi nila pini-pressure ang kanilang sarili. Basta’t nagre-relax sila at ginagawa ang mga gusto nilang gawin.
Mahirap nga rin naman ang maging estudyante. Napakaraming kailangang gawin at tapusin. Kaliwa’t kanang assignment at project. Nariyan din ang kabi-kabilang problema na kung minsan ay nagiging daan upang mawalan ng pag-asa o manghina ang isang estudyante.
Pero bilang estudyante, masasabi lang nating marami o mayroon kayong natutunan kung masusubok iyan. Isang halimbawa nga ay ang pagbibigay ng pagsusulit o kaya naman, pagpapasalita sa iyo sa harap ng klase.
Sa mga ganitong pagkakataon, hindi maiiwasan ang stress lalo na kung hindi ka gaanong nakapag-aral o nakapaghanda. Pero hindi rin naman nawawala ang mga paraang puwedeng gawin upang maibsan ang pag-aalalang nararamdaman.
Sa totoo lang, nasa bawat estudyante ang paraan kung paano nila malalampasan ang bawat pagsubok na dumarating sa kanila, sa buhay man o sa kanilang pag-aaral. Gayunpaman, may simpleng tips pa rin kaming nais na ibahagi sa inyo. Tips and tricks na makatutulong ng malaki sa bawat estudyante. At iyan ay ang mga sumusunod:
MATUTONG MAGPAHINGA
Maraming estudyante ang sanay na sanay na sa puyatan. Kung kailangan nga namang hindi matulog para lang magawa ang mga kailangang gawin, kaliligtaan at ipagpapaliban ang pagtulog. Bahala na si Batman kung pipikit-pikit. May kape namang pampagising.
Gawain ito ng marami, ang magpuyat nang magpuyat. Ngunit hindi ito magandang gawi. Kumbaga, importante sa kahit na sino, lalong-lalo na sa mga estudyante ang pagpapahinga ng mabuti at tama upang maging alerto ang kanilang isipan.
Kung minsan kasi, lalo na kung puyat ka ay bumabagal ang takbo ng isipan. Paano mo pa magagampanan ang obligasyon mo bilang estudyante kung naiidlip-idlip ka at halos usad-pagong ang utak mo.
Kaya naman, huwag kaliligtaan ang pagpapahinga ng maayos. Kapag nag-aaral o nagre-review ng leksiyon, maglaan din ng 5 hanggang 10 minuto para magpahinga. Maaaring mag-unat-unat muna. Makatutulong ang panandaliang pagpapahinga upang ma-refresh ang utak at matandaan ang nire-review o pinag-aaralan.
ITAGO O PATAYIN ANG CELLPHONE KAPAG NASA KLASE AT NAGRE-REVIEW
Kahit na sino ay nahihilig sa cellphone o gadget. Napakalaki rin kasi ng pakinabang nito sa atin. Gayunpaman, kung nasa klase ay mas mainam kung papatayin o isa-silent ang cellphone nang hindi maabala at ‘di rin makaabala sa iba. Gayundin kapag nag-aaral o nagre-review nang makapag-focus sa ginagawa.
IWASAN ANG PAGKUKULONG SA KUWARTO KUNG MAG-AARAL
Kung mag-aaral din o magre-review, mainam kung maghahanap ng ibang lugar. Madalas ay mas gusto nating sa kuwarto na lang mag-aral. Kapag sa kuwarto tayo mag-aaral, maaari tayong tamarin, maidlip o makatulog. Para makapag-aral ng maigi, maaaring maghanap ng ibang lugar na tahimik.
GUMAMIT NG GOOGLE DOCS AT GOOGLE DRIVE
Sanay na ang marami sa atin sa paggamit ng gadget gaya na lang ng laptop. Kailangan din ito ng mga estudyante upang magawa nila ang project, assignment at kung ano-ano pa.
Ang problema nga lang, may ilan na kapag nag-crash ang laptop o kaya naman, nawala ito ay naapektuhan din ang kanilang documents na nakalagay roon.
Naranasan ko nang mag-crash ang laptop ko at nawala lahat ng isinulat ko roon. Nakaiinit ng ulo. Ilang araw ring ang sama-sama ng loob ko. Kung kailan nga naman kasi natapos na iyong kailangang gawin, saka naman nagkaproblema ang laptop na gamit ko. Wala man lang pasabi na masisira. Kaya ayon, balik na naman sa simula. Sayang lang ang oras.
Hindi nga naman natin masasabi kung kailan biglang magloloko ang laptop o gadget na gamit natin. Para maiwasan ang kahit na anong problema, mainam kung gagamit ng google docs at google drive. Sa pamamagitan nga naman nito, mase-secure mo ang iyong isinulat o ginawa. Mao-open mo rin ito sa ibang computer o laptop.
SANAYIN ANG SARILI SA PAGSASALITA SA HARAP NG MARAMI
Mahiyain ang marami sa atin. Kung puwedeng huwag na lang magsalita, hindi magsasalita.
Importante rin ang public speaking. Isa sa mainam gawin upang masanay at mawala ng bahagya ang kaba ay ang pagsasanay sa sariling magsalita sa harap ng marami. Oo, kakabahan at mahihiya tayo. Pero sa simula lang naman iyan. Kapag nasanay ka na, mawawala rin ang kaba. Mas magkakaroon ka rin ng tiwala sa iyong sarili.
HUWAG NA HUWAG KALILIGTAAN ANG PAG-INOM NG TUBIG AT PAGKAIN NG MASUSTANSIYANG PAGKAIN
Kapag estudyante, siyempre, wala pang gaanong pera. Minsan ay umaasa lang sa ibinibigay ng magulang. Ang ilan naman, kumakayod o pinag-sasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho upang may maipantustos sa mga pangangailangan.
Isa rin sa ginagawa ng bawat estudyante ay ang pagtitipid. Ngunit may ilan na sa sobrang pagtitipid, mas pinipili ang pagkain ng junk food o mga pagkaing hindi mabuti sa katawan. Halimbawa na lang sa tanghalian, may ilan na mas kumakain ng street food gaya ng kikiam at fish ball kaysa sa masusustansiyang pagkain. Mas mura nga naman ang fish ball o kikiam. Pero ang tanong: nabusog ka ba? Healthy ba ito?
Oo, mainam naman talaga ang magtipid ngunit huwag naman sanang humantong sa ikasisira ng ating katawan at kalusugan. Tamang pagtitipid kumbaga.
Bukod sa pagkain ng masusustansiyang pagkain, huwag ding kaliligtaan ang pag-inom ng tubig.
Puwedeng paulit-ulit na ang mga nabanggit sa itaas na paalala. Maaaring narinig o nabasa mo na ito. Gayunpaman, marami ang hindi ito ginagawa. Kaya’t hindi rin kami magsasawang magbahagi sa inyo at magpaalala. CS SALUD
Comments are closed.