(Ni CT SARIGUMBA)
HINDI lang naman gandang sasalubong sa ating paningin ang inaasahan at kinatutuwaan natin sa pagtungo sa isang lugar. Lagi’t lagi ring inaalam natin ang mga bagay o produktong puwede nating iuwi sa ating mahal sa buhay o kaibigan para may maipasalubong tayo sa kanila.
Bukod nga naman sa ligayang masumpungan ang magagandang tanawing ipinagmamalaki ng bawat lugar, gayundin ang pagkaing maaari nating tikman na magpapangiti sa ating labi’t tiyan, isa pa sa gustong-gusto nating gawin ay ang pamimili—pampasalubong man o para sa ating sarili.
At dahil tiyak na bibili tayo o magsa-shopping sa darayuhing lugar, narito ang ilang tips na kailangang isaisip:
MAGING AWARE SA MGA MANLOLOKO
Ibang bansa man iyan o probinsiya, hindi pa rin dapat na nagtitiwala tayo ng basta-basta lalo na kung bibili tayo ng mga gamit o bagay.
May mga bansa o lugar ding dinarayo lamang dahil ‘di hamak na mas mura ang ibinebenta nilang designer bag o kaya naman mga alahas.
Ngunit sabihin mang mas mura ang mga nasabing gamit o bagay sa pupuntahang lugar, hindi pa rin iyon nangangahulugang magtitiwala ka na lang ng basta-basta.
Kumbaga, mag-research muna kung saan-saang lugar ka makabibili ng produktong bukod sa abot-kaya sa bulsa ay hindi ka pa maloloko. Lalong-lalo na kung ang bibilhin mo ay branded o mamahalin.
Hindi naman porke’t bago ka sa lugar na iyong pupuntahan ay magiging pabaya ka na.
Alamin ang mga bagay-bagay na dapat mong malaman lalo na kung may kalakip itong salapi.
Kaya tandaan, mag-research muna o magtanong-tanong sa mga kakilala kung saan makabibili ng mga bagay o produktong mapagkakatiwalaan nang hindi ka maloko.
MAGING MAINGAT SA PAGGAMIT NG CREDIT/DEBIT CARDS
Nagkalat na nga naman ang manloloko sa mundo. Kahit saang lugar, maaari mo silang masumpungan.
Kung mamimili man at gagamit ng credit o debit cards, maging maingat.
Walang lugar na safe. Puwedeng ma-hack ang cards mo.
Sa mga panahon namang na-hack ang cards ay ipagbigay alam kaagad ito sa iyong banko nang maaksiyunan at hindi na lumala pa ang problema.
Huwag ding basta-basta magwi-widthraw sa ATM machines.
IKONSIDERA ANG PACKAGE DEALS
Kung magtutungo tayo sa isang lugar at gusto nating mamili ng mga bagay o produktong patok sa naturang bayan, isa sa dapat nating i-consider ay ang package deals. May mga produkto rin kasing murang mabibili kung maramihan ang bibilhin.
KILATISIN ANG KALIDAD NG BIBILHIN
Mura man o mahal ang iyong bibilhin, kalidad pa rin ang dapat mong i-check.
Kaya naman, kilatising mabuti ang kalidad ng produktong iyong bibilhin nang hindi masayang ang gagastusin o ipambibili.
Bago kunin o bayaran, i-check na mabuti ang produkto. Siguraduhing walang sira o mantsa.
Tatlong bagay nga naman ang nilo-look forward natin sa tuwing magpaplano tayong magtungo sa isang lugar. Una na rito ay ang kagandahan ng lugar na sasalubong sa atin. Walang katulad na kaligayahan ang dulot sa ating kabuuan na makita ang mga magagandang tanawin na ipinagmamalaki ng bawat probinsiya o bansa.
Bukod din sa masaya ang makakita ng magagandang tanawin, nagagawa rin nitong gumaan ang ating pakiramdam. Dahil bago sa ating paningin ang lugar at walang kahalintulad ang ganda nito, nare-relax tayo at nawawala ang mga alalahaning bumabagabag sa atin. Dahilan tuloy upang tila refresh ang ating isipan at kabuuan sa pagbalik natin sa siyudad o lugar kung saan tayo nakikipagsapalaran.
Ikalawa, pagkain. Bukod nga naman sa kagandahan ng lugar, isa pa sa lagi nating kinasasabikan sa tuwing magta-travel ay ang iba’t ibang pagkaing ipinagmamalaki ng bawat probinsiya o bansa.
Lahat nga naman ng lugar ay may kanya-kanyang putaheng ipinagmamamalaki. At kapag dumayo tayo, hindi natin puwedeng palampasin ang pagkakataon. Talagang titikman natin ang mga pagkaing kanilang ipinagmamalaki’t dahilan kung kaya dinarayo ang kanilang lugar.
Ikatlo, sa nakapagpapaligaya at nakapagpapa-excite sa atin sa tuwing magliliwaliw tayo ay ang mga pasalubong o produktong maaari nating mabili sa ating pupuntahan.
Bukod nga naman sa mga ipinagmamalaking pagkain at kagandahan ng lugar, siyempre may mga produkto—bagay man o pagkain— silang ipinagmamalaki at akmang-akmang bilihin para pampasalubong.
May mga produkto ring mabibili natin ng murang-mura gaya na lang ng bag o damit. O mga alahas.
Dahil naroon na nga naman tayo sa lugar at mas mura ang presyo roon, paniguradong iga-grab natin ang opportunity at bibili tayo. Maging maingat tayo. Manigurado nang hindi maloko at mapahamak.
Comments are closed.