TIPS KUNG MAGTA-TRAVEL DAHIL SA TRABAHO

TRAVEL-WORK

(ni CHE SARIGUMBA)

MARAMING trabaho ang na­ngangailangan ng pagta-travel ng empleyado. Isa itong magandang oportunidad sa mga empleyado dahil bukod sa mapalalawak na nito ang kaalaman ay makararating pa sa iba’t ibang lugar. Malaki rin ang naitutulong ng pagta-travel sa paglago ng isang kompanya, gayundin ng isang indibiduwal.

Walang mapagsidlan ng tuwa ang nadarama natin sa tuwing magta-travel tayo sabihin mang dahil iyon sa trabaho. Hindi natin alintana ang kawalan ng pahinga at pagod, basta’t ang nasa isip natin ay makatutungtong tayo sa ibang bansa o lugar.

At dahil hindi naiiwasang mag-travel ang isang empleyado dahil sa trabaho, narito ang ilang tips na dapat na isaalang-alang upang maging maluwalhati at maayos ang lahat:

PAGHANDAANG MABUTI ANG GAGAWING TRIP

Maging handa sa gagawing trip, iyan ang una sa dapat nating tandaan. Hindi porke’t business trip iyan ay hahayaan na natin ang kompanyang umasikaso ng lahat. Kung sakali mang ang opisina o kompanyang pinagtatrabahuan ang magbo-book ng hotel na tutuluyan, kailangan pa ring alamin ang ilang mga bagay gaya ng: kung magiging malamig ba o mainit ang klima, ang mga mode o paraan ng transportation, direksiyon patungo sa mga restaurant, meeting place at hospital. Kailangan ding kahit na papaano ay maging pamilyar ka sa lugar.

Siguraduhin ding ang lahat ng contact information ay nakahanda sakaling kaila­ngan. Huwag ding kaliligtaang i-charge ang cellphone o anumang gadget para may magamit sakaling kailanganin.

At bago rin umalis o magtutungo sa isang lugar, siguraduhing nadalang lahat ng mga gamit na kakailanganin sa nasabing trip. Makailang beses na i-check nang walang maiwan o makaligtaan.

PLANUHIN ANG MGA GAGAWIN KAPAG NA-DELAY ANG FLIGHT

Marami ang puwedeng mangyari sa gagawing business trip. Una na nga riyan ay ang ma-delay ang flight. Kahit na ayaw nating mangyari ito, kung minsan ay hindi naiiwasan.

Dahil diyan, napakahalagang may mga plano kang nakahanda kapag nangyari ang ganitong problema o scenario. Kumbaga, ngayon pa lang o bago umalis ay isipin na ang mga puwedeng gawin sa airport sakaling ma-delay ang flight nang hindi masayang ang oras at panahon.

AYUSIN ANG TRAVEL DETAILS SA ONLINE

Kadikit na ng buhay natin ang gadget. Kaya naman, isa rin sa mainam gawin nang maging smooth ang business trip ay ang pagsasaayos ng mga travel details sa online. Sa ganitong paraan ay magkakaroon ka ng backup at maa-access ang mga detalye saan ka man naroroon at sa kahit na anong sandali.

Mainam din kung magba-backup sa online o email ng mga importanteng dokumento sakaling masira, mawala o maiwan ay hindi mamomroblema.

MAGING MAINGAT KAPAG NASA LOOB NG HOTEL

Kaligtasan, isa rin iyan sa dapat na­ting tandaan kapag nasa ibang lugar tayo.

May ilan sa atin na nagiging relax na ang pakiramdam pagda­ting sa tutuluyang hotel. Sumasalam­pak kaagad sa upuan o kama at nagpapahinga.

Okey lang ang magpahinga. Gayunpaman, mas unahin dapat nating i-check ang buong lugar o kuwartong tutuluyan. Huwag ding kalilimutang i-lock ang pinto pagkapasok o kung lalabas ng kuwarto. Siguraduhin ding gumagana ng maayos ang lock ng pinto.

Alamin din ang fire exit para kung magkaproblema man, alam mo kung saan ka daraan.

Kung sakali namang may mga mahahalagang bagay kang dala-dala, ilagay ito sa safety box. Bawat room sa hotel ay may safety box na maaa­ring magamit nang mga taong titigil o mananatili roon. Sabihin mang nasa hotel ka, mabuti pa rin ang nag-iingat.

MAGING ALERTO KAPAG NAGLALAKAD O NASA LABAS NG HOTEL

Kung minsan din, hindi maiwasan ang paglabas sa hotel lalo na kung hindi naman doon gaganapin ang meeting o conference. Kapag lalabas ng hotel at maglalakad, siguradu­hing dala-dala mo ang iyong cellphone at fully charged ito. Huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng wallet. Maging alerto rin sa paligid. Hangga’t maaari, huwag lalabas o maglalakad ng mag-isa kapag gabi o madilim na.

Masarap ang mag-travel. Kaya naman, ma­ging maingat tayo at handa nang hindi magkaroon ng problema ang gaga­wing trip—business man o personal.  (photos mula sa edition.cnn.com, workingdaughter.com, middleofeverythingpodcast.com)

Comments are closed.