Ano ang isang salita na may dalawang letra na mahirap sambitin? Ang sagot ay “NO”. Marami sa atin ang hirap na hirap sabihin ang salitang ‘NO’ o hindi, o ang simpleng pagtanggi. Lagi kasi nating iniisip na kapag tumanggi o humindi tayo, sasama ang pagtingin sa atin ng iba o magbabago ang pakikisalamuha nila sa atin.
Marami ang nahihirapan na tumanggi o magsabi ng hindi sa mga pabor o hiling ng kapamilya, kaibigan, katrabaho, boss, partner o asawa.
Isang malaking balakid ang hindi matutunan ang pagsasabi ng hindi, o pagtanggi dahil maaari itong magdulot ng stress, na kalaunay magreresulta sa pagka-burnout hanggang sa mawalan ka na ng gana sa iyong mga gawain.
Kapag sinabing prayoridad, ito ay ang bagay o mga bagay na mas pinagtutuunan ng pansin at may higit na halaga sa iba pang gawain.
Ngunit kapag pumasok na ang mga salitang, “favor naman…” at kapag nanggaling ito sa iyong boss, o sa mga mahal mo sa buhay, sa isang iglap ang prayoridad mo ay mananatiling nakalista na lamang.
Walang masamang tumanggi lalo pa kung alam mo ang iyong iskedyul o ang iyong mga kailangang unahin o pagtuunan ng pansin. At lalong hindi masamang tumanggi kung alam mo na hindi mo kaya ang ipinagagawa sa iyo.
Sa mga ganitong sitwasyon ay binibigyan mo ang sarili mo ng pabor upang maiwasan ang stress at tambak na gawain. At para rin magawa mo ang mga bagay na mahalaga para sa iyo o para sa iyong sarili.
Dadalawang letra lamang ang salitang ‘NO’, samantalang dalawang pantig lamang ang ‘HINDI’ ngunit napakahirap na sambitin kung kinakailangan.
Mahirap ang humindi pero kailangan natin itong matutunan. Pero sa kabila nito, narito ang ilang tips upang mas madali mong masabi ang salitang HINDI o NO:
ALALAHANING: “YOU CAN’T PLEASE EVERYONE.”
Mahalagang tandaan na hindi mo kailangan i-please ang lahat ng mga taong nasa paligid mo. Palagi nating iniisip ang sasabihin o iisipin ng ibang kaya minsan, lalo na kapag humingi sila ng pabor, pinagbibigyan natin.
Hindi pamantayan ang pag-oo sa lahat ng hinging pabor sa iyo para lang sabihing nakikisama ka, nakikibagay o upang maging kaibigan ang lahat. Nagkakamali ka kung akala mo na ang hindi pagtanggi sa lahat ng hiling sa ‘yo ay makabubuti.
Darating ang oras na mapapagod ka at matatambakan ng mga gawain na wala naman sa iyong prayoridad.
HUWAG MASYADONG MABAIT
Isang magandang ugali ang pagiging mabait ngunit hindi nakabubuti ang palaging pag-“oo” sa lahat ng mga pabor o hiling sa iyo.
Unang maaapektuhan nito ay ang iyong oras para sa mga gawaing nakatakda mo nang gawin o mahahalagang bagay na kailangan at dapat mong tapusin.
Ngunit maging magalang sa pagtanggi sa isang hiling o pabor. Maging totoo at sabihin ang dahilan kung bakit hindi maaari. Halimbawa, maaaring sabihing “Gusto ko sanang makatulong kaso…” nang sa gayon ay maintindihan ng tao na hindi mo lamang siya basta tinatanggihan.
HUWAG HUMINGI NG TAWAD O SORRY
Hindi sa lahat ng oras ay kailangan mong humingi nang tawad sa pagtanggi sa gawain. Ngunit kailangan mong tandaan na mahalaga rin ang iyong oras, kapwa kayo may mga takdang gawain na kailangang tapusin.
BALIKAN KITA
Isang paraan din ay ang sabihing babalikan mo ang isang taong humingi ng pabor. Sa ganitong paraan ay maaari mong tingnan ang iyong iskedyul kung may maibibigay kang panahon sa kanyang pabor.
Ngunit kung wala, sabihin ito nang may paggalang. Maaaring sabihin, “Tiningnan ko ang ilan sa mga commitments ko friend, kaso hindi ko magagawa ‘yang pabor mo”; “Boss, gusto ko sanang gawin kaso may mga nauna na akong gawain ka hindi ko po maaasikaso ‘yan.”
Hindi mo kailanman ikasasama ang pagtanggi sa mga pabor lalo na kung alam mong ang pagtanggap sa mga ito ay magiging dahilan upang makompromiso ang iyong mga gawain.
IWASAN ANG MARAMING DETALYE
Tandaan ang K.I.S.S na madalas ginagamit sa pagsulat ng liham na maaari rin namang gamitin sa ilang praktikal na sitwasyon.
Keep it short, and simple. Kung magbibigay ka pa ng mahabang paliwanag ay maaari ka pang mapapayag at ang mga importanteg gawain ay maisasaalang-alang.
ALAMIN ANG IYONG MGA PRAYORIDAD
May ekstrang oras ka pa ba? Kung mayroon, binabati kita dahil halos lahat ay wala. Isa kang natatanging indibiduwal!
Tatandaan na lagi mong isaalang-alang ang mga importante mong gawain, ang iyong mga prayoridad upang magkaroon ka ng matibay na dahilan lalo na kung kailangan mong tumanggi sa mga pabor.
Ang oras ay mahalaga, kaya dapat bigyan ito nang importansiya.
Ang pagsasabi ng ‘No’ o Hindi ay ang iyong magiging sandalan sa oras ng kagipitan. Maililigtas ka rin nito sa pagkalubog sa mga gawaing hindi mo naman ikabubuti kundi ikahihirap pa.
Hindi mo ikasasama ang pagtanggi, makabubuti pa ito sa iyo upang magkaroon ka ng mas balanseng oras sa pamilya, sa trabaho, sa eskuwela, maging sa iyong social life. (photos mula sa google) MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.