(ni CS SALUD)
MARAMI sa atin ang nagta-travel o ang nagtutungo sa iba’t ibang lugar ngayong holiday. Ang ilan din sa atin ay nagsisipag-uwi sa kani-kanilang probinsiya nang makapiling ang mga mahal sa buhay.
At dahil marami sa atin ang magbabakasyon o umuuwi sa probinsiya para makasama ang kani-kanilang mahal sa buhay, narito ang ilang tips na dapat na malaman o isaalang-alang:
MAGPLANONG MABUTI
Planuhing mabuti ang gagawing paglalakbay o pag-uwi sa probinsiya. Hangga’t maaari ay umiwas sa oras o araw na crowded o maraming nagsisipag-uwian o nagsisipag-alisan ng bansa nang maiwasan ang problema.
Mainam din kung aalis ng mas maaga upang maiwasang ma-traffic at mabagot sa daan. Para naman hindi mabagot sa daan, magdala naman sa biyahe ng mga maaaring pagkaaliwan o pagkakalibangan.
Maaari ring makinig ng musika habang nagta-travel o kaya naman ang pagbabasa. Puwede ring maglaro ng board games lalo na kung may kasamang mga bata.
SIGURADUHING NADADALA ANG LAHAT NG MGA KAILANGAN
Mas mababawasan din ang stress kung nadalang lahat ang mga bagay o gamit na kakailanganin sa gagawing paglalakbay o pag-uwi sa probinsiya. Kaya naman, gumawa ng listahan ng mga dadalhing gamit at siguraduhing nailagay ito sa bagahe.
MAGING HANDA SA MAAARING MANGYARI
Sa pagbiyahe rin o pagtungo sa ibang lugar, importante ring handa tayo sa maaaring mangyari nang maiwasan ang mas matinding problema.
Dahil alam naman nating maraming puwedeng mangyari gaya ng traffic o kaya naman pagka-delay ng flight, maghanda ng plano o mag-isip nang puwedeng gawin upang hindi ma-stress at maging matiwasay pa rin ang paglalakbay.
Maghanda rin ng makakain at maiinom sa biyahe. Maging mapagmatiyag din sa paligid nang maiwasan ang sakuna o problema.
HUWAG MAG-ATUBILING MAMILI SA PUPUNTAHANG LUGAR
Sa pupuntahan ding lugar, huwag ding mag-atubiling bumili ng mga ipampapasalubong. Siguraduhin lang din na maganda at sakto ang presyo ng iyong bibilhin. Bumili lamang din sa mga lugar o shop na mapagkakatiwalaan.
PAG-ISIPAN ANG DADALHIN O IBIBIGAY NA REGALO
Sa pag-uwi rin natin sa probinsiya o sa lugar na ating kinalakihan, hindi rin puwedeng mawala ang regalo. Pinakaaabangan nga naman ng ating mga kapamilya ang iuuwi nating regalo sa kanila lalo na ngayong Pasko.
Pag-isipan ding mabuti ang mga dadalhing regalo. Una, kailangang safe ito. Ikalawa, isaisip na sa pagbili ng regalo, kailangang mapakikinabangan ito. At ang pangatlo, dahil nga ita-travel ang regalo, dapat ay hindi ito bulky, mabigat o masisira kaagad.
Magandang option ang gift certificate o gift card para na rin hindi mahirapan sa pagdadala ng regalo.
MAGING MASAYA AT MAG-RELAX
Panghuli ay ang pagiging masaya at ang pagre-relax. Kaya tayo nagta-travel o umuuwi sa probinsiya nang makasama ang ating mahal sa buhay ay upang sumaya at makapag-relax. Kaya naman, iwasan ang pagsimangot at ngumiti pagkarating sa lugar na pupuntahan. Makatutulong din kung kakalimutang panandali ang mga problema at trabaho nang makapag-relax ng mabuti.
Masarap nga namang mag-travel o ang pag-uwi sa kanya-kanyang probinsiya nang makapag-relax at maging masaya. Kaya naman, sulitin natin ang panahon. Mag-enjoy tayo kasama ang mga taong mahalaga sa atin. (photos mula sa tripit.com, aarp.org, ytravel.blog)
Comments are closed.