TIPS NANG HINDI BUMULAGTA HABANG NASA BIYAHE

MATINDI na talaga ang init ng panahon ngayon. Halos masunog ang balat mo sa sikat ng araw. Pakiramdam mo ay magkakasakit ka sa tindi ng init. Kahit nga nasa loob ng bahay, nadarama pa rin ang init ng pa­ligid kahit na may nakatapat namang electric fan. Kung minsan din, halos hindi kayanin ng aircon na palamigin ang isang lugar dahil sa tila nilalagnat na paligid.

Hindi na talaga puwedeng magpabaya tayo sa katawan lalo na kapag ganitong tila nagliliyab ang paligid. Unang-una na kailangan nating gawin ay ang paglalagay ng sunscreen. Medyo kapalan siguro o damihan ang paglalagay nang mas maprotektahan ang balat. Pansin ko kasing kahit na naka-sunscreen na ako ay nararamdaman ko pa rin ang panghahapdi ng balat kapag natatamaan ng sikat ng araw. Pumili rin ng sunscreen na mataas ang SPF.

Hindi tumitigil ang pang-araw-araw nating gawain dahil lamang sa mainit ang panahon. Kumbaga, kahit na tila nagliliyab ang paligid ay kinakailangan pa rin na­ting umalis ng bahay at magtungo sa trabaho. At sa tindi ng init ng panahon ngayon, kung hindi ka mag-iingat ay tiyak na bubulagta ka na lang sa kalye. Kaya naman, para maiwasan ito, narito ang ilang tips na kailangang isaalang-alang kung aalis ng bahay, opisina o magtutungo sa kung saan man:

MAGDALA NG TUBIG

BIYAHEHuwag kaliligtaan ang pagdadala ng tubig kung ikaw ay lalabas ng bahay. Dahil sa mainit ang panahon, mabilis tayong magpawis at mauhaw. Kaysa nga naman maghagilap ka pa ng tubig sa daan, mas mabuti na iyong magbaon nang may mainom sakaling makaramdam ng uhaw. Uminom din bago lumabas ng bahay.

MAGSUOT NG PRESKONG DAMIT

Napakaimportante rin ng pagsusuot ng preskong damit lalo pa’t napakaalinsangan ng panahon. Piliin din ang mga damit na gawa sa cotton nang hindi mairita ang balat. Mas maganda rin kung ang susuoting mga damit ay light lang ang kulay nang hindi mainit sa paningin at katawan.

HUWAG MAGLALAKAD SA ARAWAN

Iwasan din ang paglalakad sa arawan dahil maaari kang bumulagta na lang sa sobrang init ng paligid. Huwag tamaring magdala ng payong o kahit na anong panangga sa sikat ng araw.

Marami sa atin ang tamad magdala ng payong kahit na mainit ang panahon. Pero sa ganitong gawi, maaari kang bumulagta na lang sa kalye dahil sa init. Kaya kung maglalakad man sa ilalim ng sikat ng araw, siguraduhin ang pagdadala ng kahit na anong pamprotekta sa katawan at balat.

IWASAN ANG MASISIKIP AT MATATAONG LUGAR

Huwag ding makikipagsiksikan o iwasan ang masisikip at matataong lugar. Dito ay maaari kang kapusin ng hininga at bumulagta na lang bigla. May mga lugar na hindi maiiwasan ang dami ng tao lalo na sa mga pampublikong sasakyan.

Kung hindi man maiwasang sumakay sa mga MRT o LRT, maging maingat at mapagmatiyag sa paligid. Pakiramdaman din ang sarili.

MAGDALA NG WET WIPES

Mainam din ang pagdadala ng wet wipes o tissue kapag aalis ng bahay nang may magamit sakaling pagpawisan ka. Magagamit mo rin ang wet wipes sakaling madu­mihan ang kamay o ma­pahawak ka sa mga lugar na madalas hinahawakan ng marami. Puwede rin namang magdala ng alcohol imbes na wet wipes o tissue. Maging maingat tayo ngayong summer lalo na kung madalas tayong lumalabas ng bahay. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA

Comments are closed.