(Ni CT SARIGUMBA)
PINAGHAHANDAAN at pinagkakagastusan ng bawat isa sa atin ang gagawing pagbabakasyon. Oo nga’t madali lang sabihing gusto nating magtungo sa iba’t ibang lugar ngunit hindi naman ito ganoon kasimple o kadali.
Marami tayong dapat na isaalang-alang. Unang-una, kailangan ng budget sa gagawing pamamasyal.
Kung wala kang sapat na halaga, hindi mo mararating ang lugar o bansang nais mong da-yuhin.
Ikalawa naman, kailangan mo ng panahon para makapamasyal. Oo nga’t minsan, may pam-budget ka na pero hindi mo naman maituloy-tuloy ang gagawing pagliliwaliw dahil walang panahon o may trabaho ka.
Kaya ang ilan sa atin, ilang araw lang ang ginagawang pagbabakasyon dahil na rin sa nakatali sila sa kanilang trabaho.
May mga empleyado nga namang nagkakaroon ng problema kapag wala sa opisina at naka-leave.
Gayunpaman, mahaba o maikli man ang gagawing bakasyon, napakahalaga pa ring nagagawa nating ma-enjoy ito.
Kaya naman, sa mga magbabakasyon diyan ng maiklian lang, narito ang ilang tips nang ma-enjoy at makapag-relax kayo:
PLANUHIN ANG MGA GAGAWIN SA UNA AT HULING ARAW
Nang magbakasyon ako ng tatlong araw lang, para masulit ang panahon nang pananatili ko sa pinuntahang lugar, gumawa ako ng itinerary.
Kumbaga, pinlano ko na ang lahat ng gagawin ko sa tatlong araw na pananatili ko sa bakasyon. Mula nang pagdating hanggang sa pag-alis.
Sa pamamagitan din kasi ng pagpaplano, malalaman mo ang mga bagay o activity na dapat ninyong unahing gawin na makapagdudulot ng ibayong kaligayahan sa inyo.
Pangalawa, sa pamamagitan ng pagpaplano ay mas marami kayong magagawa at wala kayong makaliligtaan.
Kung minsan kasi, dahil saglit lang ang pagbabakasyon ay sinasabi nating “bahala na pagdating sa lugar”.
Oo nga’t okey lang naman ang hindi magplano lalo na at saglit lang naman ang gagawing pagliliwaliw.
Gayunpaman, malaki rin kasi ang tiyansang may mga bagay kayong hindi magawa o makaligtaan kung wala kayong planong ginawa o itinerary.
SUMUBOK NG MGA BAGAY NA BAGO
Hindi naman mawawala ang kaba o takot sa ating dibdib. Kung magta-travel o magtutungo tayo sa ibang lugar, hindi maiwasang kabahan tayo. Pero hinding-hindi dapat tayo nagpapadala sa takot na nadarama natin.
Mas ma-e-enjoy natin ang pamamasyal o pagtungo sa isang lugar sabihin mang saglit lang iyon kung nagagawa natin ang mga bagay na gusto nating gawin nang walang pag-aalinlangan. Gayundin ang pagsubok ng mga bagay na hindi pa natin nasusubukan.
Masaya rin kasing sa pagbabalik natin, may maikukuwento tayo sa mga kaibigan nating kakaibang ginawa natin.
At higit sa lahat, maganda rin ang alaalang maiiwan sa ating puso’t isipan dahil may mga kakaiba tayong ginawa na hindi pa natin nasusubukan.
Pagsubok ng mga kakaiba, iyan din kasi ang isa pang kagandahan ng pagta-travel.
Dahil diyan ay huwag tayong matakot na sumubok ng mga bagay na bago o hindi pa natin nagagawa. Sa pamamagitan ng pagsubok ng mga bagong bagay at kakaiba, malalaman natin kung hanggang saan ang kaya nating gawin at kung gaano tayo katapang na gawin iyon.
KALIMUTAN MUNA ANG MGA ALALAHANIN
May mga trabahong kahit na nasa ibang lugar ka o namamasyal ka, kailangan mong gawin o isipin.
Pero hangga’t maaari, kalimutan na muna ang mga alalahanin o pansamantalang iwan ang trabaho nang makapag-enjoy ng todo.
Mahirap din kasing mamasyal habang inaalala mo ang trabahong kailangan mong tapusin. Kung puwede namang iwan na muna ang ilang trabaho o mga gawain sa opisina, iwanan na muna.
SULITIN ANG BAKASYON AT MAGSAYA
Sabihin mang dalawa o tatlong araw lang ang ginawang bakasyon, sulitin pa rin ito.
Oo nga’t napakadali lang o saglit lang ang ginawang bakasyon at hindi ito sapat upang magawa natin ang lahat ng mga gusto nating gawin.
Ngunit imbes na manghinayang at mainis sa saglit o madaliang bakasyon, makabubuting mag-enjoy ka na lang sa ginawang pagbabakas-yon. Gawin ang lahat ng mga bagay na gusto mong gawin na makapagdudulot ng ligaya sa iyo.
Tandaan, kaya tayo nagtutungo sa isang lugar ay para magsaya at makapag-relax.
Kaya’t saglit man o matagal ang pananatili natin sa isang lugar, isa lang ang dapat nating gawin—at iyan ang magsaya at sulitin ang bakasyon.
Comments are closed.