TIPS PARA MAG-ENJOY SA PAGTA-TRAVEL KAHIT NA MAY MARAMING KASAMA

TRAVEL-11

(ni CT SARIGUMBA)

KUNG minsan ay stress ang dulot sa atin ng pagta-travel ng maraming kasama. May ilan nga namang nahihirapan lalo na kapag maraming kasama. Hindi kasi maiiwasang may makialam—sa ginagawa mo, gusto at maging sa gamit o bagay na pag-aari. Pero may mga pagkakataon din namang saya ang hatid nito sa atin.

Kunsabagay, hindi naman maiiwasan ang magkaroon ng problema habang naglalakbay o nagtutungo sa ibang lugar. Pero maiiwasan ang problema at mag-e-enjoy kung magiging handa tayo sa mga maaaring mangyari. Sa mga magta-travel o nagpaplanong mag-travel nang mara­ming kasamang kaibigan, kamag-anak, kaki­lala o katrabaho, narito ang ilang tips na dapat isaalang-alang:

MAGKAROON NG RESPETO SA BAWAT KASAMA

Sa kahit na anong relasyon o pagsasama, importante ang paggalang at respeto.

Kaya naman, isa sa kailangan matutunan ang respeto at paggalang sa bawat kasama nang ma­ging masaya at matiwasay ang paglalakbay.

Matuto ring makinig at tumanggap ng suhestiyon sa mga kasama. Isaalang-alang din ang saloobin o nararamdaman ng mga kasamahan.

HUWAG MAGDALAWANG ISIP NA MAKIPAG-USAP

Kung minsan, para lang hindi tayo makasa­kit ng kapwa ay sinasarili na lang natin ang ating iniisip at mga puna sa kilos at gawi ng ating mga kasama.

Pero mas maluwag sa dibdib at ma-e-enjoy ang paglalakbay kung magiging bukas ang loob sa kasamahan lalo na kung may kinaiinisan ka sa gawi nila.

Mainam din ang pakikipag-usap sa mga kasamahan upang magkapalagayan ng loob.

PLANUHIN ANG MGA GAGAWIN AT DARAYUHIN

Para rin maging smooth at masaya ang gagawing paglalakbay, importante ring napaplano at napag-uusapan ang mga gagawin at mga lugar na darayuhin.

Mas marami ring mapupuntahan kung nakaplano na ang lahat ng mga activity na gagawin.

IRESPETO ANG GAMIT NG BAWAT ISA

Kapag aalis nga naman, may dala talaga tayong mga gamit. Ang ilan nga, malaking bagahe ang dala-dala nang mapaglagyan ng lahat ng mga kakailanganin nito. May ilan namang kakaunti lang ang bitbit na gamit. Kung minsan din, may hindi tayo nadadala o nakalilimutan.

At dahil may kasama tayo sa paglalakbay, ibig sabihin ay hindi lamang sarili natin ang dapat na­ting isipin kundi maging ang ating mga kasamahan.

Halimbawa sa kuwarto, maging maingat ka sa mga gamit mo. Iwasan ang pagkakalat. At higit sa lahat, irespeto mo rin ang mga gamit ng kasamahan mo. Huwag basta-basta makikialam.

PAG-USAPAN ANG MGA GUSTO AT HINDI GUSTO

Maiiwasan din ang hindi pagkakaunawaan kung napag-uusapan ninyo, hindi lamang ang mga gusto ninyo kundi ang mga ayaw rin ninyo. Kung aware kayo sa mga gusto at ayaw ng isa’t isa, mas magiging masaya ang gagawin ninyong paglalakbay.

Maiiwasan kasi nitong makagawa kayo ng mga bagay na hindi maiibigan ng inyong kasama. Makapag-iingat kayo sa mga kilos ninyo kumbaga.

MAGING MASAYA

Ano’t ano mang problema at pagsubok ang kaharapin ninyong magkakaibigan o magkakagrupo sa paglalakbay, piliin pa rin ninyo ang maging masaya. Mag-enjoy kayo.

Oo, hindi naman talaga nawawalang magkaroon kayo ng problema sa paglalakbay lalo na’t hindi natin nasisigurong magi­ging maayos ang lahat. May mga pangyayaring nangyayari ng hindi ina­asahan. Pero hindi natin kailangang sirain ang bakasyon o pamamasyal dahil sa mga problema o bagay na dumarating ng hindi inaasahan.

Kumbaga, magsaya sa kabila ng problema at pagsubok.

Ang pamamasyal o paglalakbay—mag-isa man o mayroong kasama—ay napakaraming benepisyong naidudulot sa ating katawan. Bukod sa nare-relax tayo ay nabibigyan din tayo ng panahong mapabuti ang pakikitungo natin sa kapwa. Higit sa lahat, dahil nakapagpapahinga ay nagkakaroon tayo ng panibagong pagtingin sa mga bagay-bagay.

Kaya’t habang may panahon at pagkakataon, subukan nating maglakbay—sa loob man o labas ng bansa. (photos mula sa stayful.com, awardwallet.com at flysas.com)

Comments are closed.