TIPS PARA MAGING HAPPY SA ARAW-ARAW

Masaya

IMPORTANTENG lagi o araw-araw ay idina­dantay natin sa ating pisngi ang kaligayahan. Oo nga’t napakaraming problema o pagsubok ang puwede nating makasalamuha sa pakikipagsapalaran sa mundo. Gayunpaman, marami man tayong kinahaharap o kahaharaping pagsubok ay hindi pa rin tamang malungkot tayo at magmukmok.

Napakahalagang maligaya tayo sa ating buhay, gayundin sa kung ano mang pinagkakaabalahan nating gawin. Kaya naman, para maging happy sa araw-araw, narito ang ilang simpleng tips na puwede nating isaisip:

MAGPASALAMAT PAGKAGISING PA LANG

Sa pagmulat pa lang ng ating mata, magpasalamat na tayo sa Diyos. Pahalagahan din natin ang buhay na mayroon tayo. Huwag natin itong sayangin. At higit sa lahat, kalimutan ang mga masasamang nangyari nang makausad tayo sa buhay at maging masaya tayo.

MATUTONG NGUMITI

Nakatutulong din kung sa umaga pa lang ay idadantay na natin sa ating pisngi ang ngiti. Kumbaga, kung pagkagising pa lang ay nakasimangot ka na, iwasan na ito. Nakatatanda at nakapapangit ang pagsimangot kaya’t piliin ang ngumiti.

Matuto rin tayong ngumiti sa mga kakilala at nakakasalamuha natin.  Mas magaan kasi sa pakiramdam kung masaya tayo at nakangiti. Mas madali rin nating magagampanan ang ating trabaho kung masaya tayo.

PAHALAGAHAN ANG MALILIIT NA BAGAY

Huwag din nating ipagsawalang bahala ang mga maliliit na bagay na nangyayari sa atin. Bagkus ay pahalagahan natin ito.

Sabihin mang maliliit lang iyan na bagay, may maganda pa rin iyang maidudulot sa atin.

MATUTONG I-TREAT ANG SARILI

Kapag may pamilya na tayo, tinitipid natin ang ating sarili. Kumbaga, mas inuuna natin ang ating mga anak kaysa sa ating sarili.

Oo, sabihin na nating mahalaga o dapat na inuuna natin ang pangangailangan ng ating pamilya. Ngunit hindi naman tamang maging pabaya tayo sa ating sarili. Huwag din natin siyempreng kaliligtaang i-treat ang ating sarili. Isa rin kasi ito sa paraan upang tayo ay sumaya.

Maraming paraan para sumaya. At nasa sa ating mga kamay ang paraang iyan, lalo na kung gugustuhin natin. CT SARIGUMBA

Comments are closed.