SA PANAHON natin ngayon na lahat na ng bilihin ay nagmamahal, mahirap nang pagkasyahin ang budget para sa buong pamilya lalong-lalo na kung may mga nag-aaral na mga bata at si tatay lang ang may hanapbuhay.
Walang patawad ang pagtaas ng mga bilihin, simula sa bawang at sibuyas na hindi nawawala sa tuwing magluluto si Nanay hanggang sa gulay na paborito ni Tatay at fried chicken na paborito ng mga tsikiting.
Marami sa pamilyang Filipino para makamura ay napipilitang bumili ng instant—instant noodles, de-lata, processed food at iba pa. Ngunit kung isasaalang-alang ang kalusugan ng mag-anak, tiyak na mas mapagagastos pa dahil sa sakit na maaaring makuha kung madalas na kumakain ng instant at processed food.
Posible ba ang masustansiyang ulam sa abot-kayang halaga?
Oo, possible dahil ang mga Filipino ay tunay na madiskarte. Heto ang ilang recipes na pasok sa halagang P100:
SWEET AND SPICY TOKWA IN OYSTER SAUCE
Ang karaniwang presyo ng tokwa sa palengke ay P10 kada tatlong piraso. Sa halagang P30 mayroon ka nang siyam (9) na piraso. Kakasya ito hangang sa apat katao. Prituhin ang tokwa. Hiwain sa maliit na cubes. Itabi.
Igisa ang bawang at sibuyas, idagdag ang oyster sauce, at isang tasa ng tubig. Pakuluin. lagyan ng asin at paminta para magkalasa. Kung gusto na maanghang ay dagdagan ng chili flakes. Idagdag na ang hiniwang tokwa at celery. Puwede rin namang bell pepper ang ilagay imbes na celery.
GINISANG SITAW AT KALABASA WITH DILIS
Karaniwan itong makikita sa palengke at makabibili ka ng halagang P20-P40 at kasya ito sa apat hanggang lima katao. Magprito ng dilis. Itabi. Igisa ang bawang at sibuyas, idagdag ang hibi para pampalasa. Ilagay ang kalabasa at sitaw. Hayaang kumulo saka dagdagan ng tubig, pakuluin ng 5 minuto hanggang sa maluto ang mga gulay. Idagdag ang pritong dilis.
Handa na ang iyong Ginataang Sitaw at Kalabasa with Dilis. Mas makamumura kung dilis ang gagamiting sahog kaysa sa baboy o sa hipon. Maaaring alternatibong sahog ang fishball o kikiam na maaaring mabili ng tingi.
SARDINES WITH MISUA
Maaari ring mag-eksperimento. Imbes na misua, ay maaaring gulay ang isama sa sardinas. Maaaring papaya o kaya naman sayote, maaari rin naman ang pechay. Depende sa iyong panlasa kung anong gulay ang gusto mong isama. Igisa ang sardinas sa bawang, sibuyas at kaunting luya.
Pigaan ng kalamansi at dagdagan ng isa o dalawang tasang tubig. Lagyan na rin ng toyo, asin at paminta para magkalasa. Idagdag ang misua.
VEGETARIAN OKOY
I-slice ang kalabasa sa strips. Gayundin ang carrots. Pagkatapos ay ihanda ang isang bowl, paghaluin ang flour, cornstarch, itlog, bawang, patis, at paminta. Ihalo na rin ang mga hiniwang gulay.
Sa kawali, mag-init ng mantika. Iprito ang inihandang mixture. Hintaying maging crispy at golden brown. Masarap na sawsawan nito ay suka.
Lagyan lang ng pinitpit na bawang ang suka. Puwede rin itong samahan ng kaunting asukal, patis o toyo.
Hindi kailangan gumastos ng mahal para makakain ang pamilya ng masarap at masustansiya. Gamitin ang pagiging madiskarte at pagkamalikhain dahil hindi lang ‘yan sa trabaho o eskuwela nagagamit kundi maging sa inyong mga kusina.
Sa susunod na maubusan ng ideya sa kung ano ang uulamin, mag-eksperimento o kaya maghanap sa internet. Walang limitasyon kung gustong makatipid at mapanatiling malusog ang pamilya.
Walang tatalo sa madiskarteng ina sa loob ng kusina! MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.